Latest News

Si Mayor Honey Lacuna kasama sina Vice Mayor Yul Servo at city treasurer Jasmin Talegon. (JERRY S. TAN)

PONDO NG MAYNILA, MAS MAAYOS NGAYON KESA MGA NAKALIPAS NA TAON

By: Jerry S. Tan

“MAGANDA ang pasok ng pondo ngayon, kumpara sa mga nakaraang taon.”

Ito ang iniulat ni Manila Mayor Honey Lacuna, kasabay ng pahayag na sa susunod na mga araw ay magkakaroon na ng mga pagbabago na naglalayong makapagtaguyod ng mas pinabuting sistema upang suportahan ang mga programang nakalinya na nakatuon naman sa higit pang pagpapalawig at pagpapabuti ng koleksyon at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo ng lungsod.

Pinapurihan din ni Lacuna ang mga hakbang na ipinatutupad ng mga revenue-generating departments, bureaus at offices para ma-digitize ang kanilang operasyon at upang tiyakin na lahat ng pondo na para sa lungsod ay mapupunta sa kaban ng lungsod.


Nagpasalamat din si Lacuna kay City Treasurer Jasmin Talegon at sa mahigit na 300k tauhan nito na kasama niyang nagtatrabaho para sa mas mabilis at maayos na sistema ng tax collection.

Inayunan ni Lacuna ang sinabi ni Talegon na “every peso counts” at anang alkalde: “Napakaraming obligasyon ng ating pamahalaan, kaya tama ang sinabi ni Mam Jaz na bawat isang piso o limang piso ay napakahalaga na pumasok nang tama sa ating lungsod.”

“Sa mga pagbabagong inyong mararanasan sa mga susunod na linggo at buwan, makatitiyak kayo na ang mga ito ay malaking tulong para sa ating lungsod,” dagdag pa nito.

Ipinagmalaki rin ng alkalde na ang pamahalaang lungsod ay nakapagtatag na rin ng sistema kung saan lahat ng mahalagang impormasyon ay makakatulong sa ‘fiscal standing’ ng lungsod at sa pagtukou sa ‘areas of primary concern.’


Nagpahayag din siya ng suporta sa lahat ng mga hakbangin ng mga departments, offices and bureaus sa pagdi-digitize ng kani-kanilang sistema.

“Lahat ay gusto nang ma-digitize to ensure na papasok talaga ang lahat nang dapat para sa lungsod. Patunay nito ang mas mataas na koleksyon ngayon kung ikukumpara sa mga nakaraang taon,” saad ni Lacuna.

“Sa ilalim ng aking pamamahala, lahat ng inyong makikitang pagbabago, tiyak na para sa ikabubuti ng lungsod,” dagdag pa nito.

Nauna riyan ay iniulat ni Talegon na ang online payment collection ng taxes ay nakatulong upang makuha ang collection target at maging mas mahusay at mabilis ang koleksyon ng mga buwis kumpara noong mga nakaraang taon.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read