Latest News

Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pag-abandona ng Leonal sa obligasyon nitong mangulekta ng basura na nagresulta sa mataas na volume ng basura nitong holiday season sa lungsod. (JERRY S. TAN)

POLITIKA, MALING IMPORMASYON SA ISYU NG BASURA, BINATIKOS NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

“Ang ating layunin ay tapusin ang krisis sa basura at siguraduhing hindi na ito maulit. Hindi po tayo magpapadala sa maling impormasyon o pamumulitika,” ayon kay Lacuna, kasunod na rin ng problema sa basura na kinakaharap ng lungsod.

Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na tatapusin ng pamahalaang-lungsod sa lalong madaling panahon ang kasunod ng mariin na pag-deny sa pahayag ng dating contractor ng basura na Leonel Waste Management (Leonel) na may utang na P561.4 milyon sa kanila ang lokal na pamahalaan at hindi umano nila inabandona ang koleksyon ng basura sa lungsod nitong kritikal na holiday season.

Anang alkalde, “Totoo pong may natitira pang bayad para sa kanilang serbisyo noong 2024, ngunit ito ay ilang buwang serbisyo na lang at kasalukuyan ng pinoproseso.”


Ipinaliwanag pa ng alkalde na kinakailangang dumaan sa proseso ang disbursement para sa payments sa Leonel, at batid aniya ito ng naturang kumpanya.

Giit ni Lacuna, hindi ito kaliwaan tulad ng pagbabayad ng mga gastusin ng isang pamilya dahil mayroon itong mga government accounting, auditing requirements, and procedures na itinatagubilin ng batas na kailangang sundin.

“Nabayaran na yung para sa naunang apat na buwan ng taong 2024. Available na rin ang pondong mahigit P131 million para sa May at June para sa serbisyo ng Leonel. Hindi po ito masasabing utang kung hindi ito “due and demandable” kagaya ng nakasaad sa aming kontratang pinirmahan,” dagdag pa ni Lacuna.

Aniya pa, “Kumpleto ang records namin sa Office of the City Treasurer kaya protektado ang ating lungsod sa anumang tangkang lasunin ang isip ng mga Manileño.”


“Alam ng Leonel na may prosesong dinaraanan ang mga bayarin ng lungsod. Alam ng Leonel na ang malalaking kontrata sa gobyerno ay hindi immediately due and demandable,” dagdag pa niya.

“Ang sinasabi nilang halagang P561.4 milyon ay malayo sa reyalidad. Tapat at totoo po tayong tumutupad sa ating obligasyon, hindi tayo tumatakbo sa ating utang tulad ng iba,” saad pa niya, na ang pinatutungkulan ay ang pinalitang alkalde na si Isko Moreno, na nag-iwan ng P17.8 bilyong utang sa lungsod.

Kumpiyansa rin naman si Lacuna na bago mag-Enero 10 ay tuluyan nang mareresolba ang suliranin ng Maynila sa basura matapos na atasan ang mga bagong contractor na magtrabaho ng round-the-clock o 24/7.

“Bago mag-Enero 10, kailangang tapusin na nila ang koleksyon ng lahat ng tambak na basura mula Pasko at Bagong Taon. Araw-araw po nating binabantayan ang kanilang operasyon para masigurong natutupad ito. Ang problemang ito ay hindi natin titigilan hanggang sa maibalik ang kaayusan sa Maynila,” anang alkalde.


Sa halip, nagpaalam umano sa kanya si Velasco na hindi na lalahok ang Leonel sa bidding para sa koleksiyon ng basura sa Maynila dahil kaibigan aniya nito ang dating Mayor ng lungsod.

“Sa meeting na iyon, ipinaalam sa akin ng Leonel hindi na sila magpa-participate sa bidding dahil kaibigan nila ang dating Mayor. Sabi pa ng may-ari ng Leonel ay matanda na daw siya at ayaw na niyang ‘maipit’ pa. Ang sagot ko naman sa kanya ay naiintindihan ko siya at ayaw ko din naman siyang ‘maipit,’” dagdag pa ni Lacuna.

“Totoo pong may natitira pang bayad para sa kanilang serbisyo noong 2024, ngunit ito ay ilang buwang serbisyo na lang at kasalukuyan ng pinoproseso. Ang sinasabi nilang halagang P561.4 milyon ay malayo sa realidad. Tapat at totoo po tayong tumutupad sa ating obligasyon, hindi tayo tumatakbo sa ating utang tulad ng iba,” ani Lacuna. Matatandaan na ang kanyang pinalitang mayor na si Isko Moreno ay nag-iwan ng P17.8 billion na utang nang ito ay tumakbo bilang Presidente noong 2022.

Sinabi naman ni Lacuna na noong Setyembre 2024 ay nakausap pa niya ang may-ari ng Leonel na si Nathaniel ‘Nel’ Velasco at ni wala aniya silang pinag-usapang utang ng lungsod sa kanila.

Samantala, sa kanyang panig ay kinumpirma naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Lacuna, na hindi naghakot ng basura ang Leonel sa mga kritikal na araw ng Disyembre 30 at 31, kung kailan tumaas ang volume ng basura ng hanggang 400 porsiyento dahil sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Ito’y kahit na ang kontrata ng Leonel sa kanila ay hanggang sa Disyembre 31, 2024 pa, ani Abante.

Sinabi pa ni Abante na dahil sa laki ng populasyon ng Maynila, malaking problema talaga kung hindi agad makukolekta ang mga basura sa lungsod, kahit isang araw lamang.

Ipinaliwanag din niya na hindi tinanggal ang Leonel bilang garbage contractor ng Maynila at sa halip ay pinalitan lamang ito matapos na hindi na sumali sa bidding, na isang requirement sa paggagawad ng mga government contracts.

Ayon pa kay Abante, kung mayroon mang namumulitika sa sitwasyon, ito ay hindi ang Lacuna administration dahil ang atensiyon ng alkalde ay nakatuon lamang aniya sa pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mga residente ng lungsod.

“Baka sila (Leonel) ang may politika dahil they know who they are friends with,” dagdag pa ni Abante.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read