Tinatalakay ni Manila City Administrator Bernardito 'Bernie' Ang (middle) ang paparating na Chinese New Year celebration sa 'MACHRA Balitaan sa Harbor View' forum ng Manila City Hall Reporters' Association. Kasama niya sa larawan sina (mula kaliwa) MACHRA President Itchie G. Cabayan, Manila Chinatown Development Council executive director Willord Chua, Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) President Jefferson Lau at MACHRA Vice President Andi Garcia. (JERRY S. TAN)

PINAKAMARANGYANG PAGODA, ITATAYO SA CHINATOWN; ISANG MILYON, INAASAHANG DADAGSA SA PAGDIRIWANG NG CHINESE NEW YEAR

By: Jerry S. Tan

Inaasahan ng Manila City government na aabot sa may isang milyon ang mga taong makikiisa sa nalalapit na pagdiriwang ng Chinese New Year celebration sa Binondo ngayong darating na February 9 at 10, 2024, kasabay ng anunsiyo na inuumpisahan nang pagtatayo sa Manila Chinatown ng pinakamalaki at pinakamarangyang ‘Pagoda’ na aniya ay magdadala s lungsod ng karangalang bilang isa sa mga top tourist destinations sa bansa..

Sinabi ito ni Manila City Administrator Bernardito ‘Bernie’ Ang sa kanyang pagdalo sa ‘MACHRA Balitaan sa Harbor View’ forum ng Manila City Hall Reporters’ Association nitong Lunes, kung saan inanunsiyo din niya ang planong grand float parade, na inaasahang lalahukan ng nasa 20 hanggang 30 floats. Kasama ni Ang na dumalo sa nabanggit na forum sina Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) President Jefferson Lau at Manila Chinatown Development Council executive director Willord Chua.


Magsisimula ang parade sa likurang bahagi ng Post Office atmagtatapos sa Lucky Chinatown kung saan, ayon kay Chua, ay may libreng show at ‘added treat’ para sa mga bibisita sa Chinatown sa Chinese New Year’s Day.

Ayon kay Ang, sa naturang aktibidad ay mamimigay din ang Filipino-Chinese community para sa mga manonood ng mga ‘angpao’ o pulang envelope na may lamang pera, na pinaniniwalang naghahatid ng suwerte sa sinumang nagbibigay at gayundin sa mabibigyan nito.

Magkakaroon rin umano ng lion dances sa Ongpin Street at ng grand fireworks display na isasagawa sa hatinggabi ng Pebrero 9 sa bagong Filipino–Chinese Friendship Bridge o sa Binondo-Intramuros Bridge at inaasahang tatagal ng 12 -15 minuto.


Bukod dito, nabanggit naman ni Lau na ang mga restaurants sa Chinatown ay inaasahan ding magkakaloob aniya ng discounts sa kanilang mga kostumer, bilang pakikiisa sa pagdiriwang.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Chua na nakatakdang maglabas ng traffic advisory at rerouting scheme ang Manila Police District (MPD) traffic buraeu at upang magbigay ng karagdagang seguridad para sa nasabing okasyon.


Nabatid din mula kay Ang na bukod sa Chinese New Year, pinaghahandaan na rin ng pamahalaang-lungsod ang pagdiriwang ng ika-430 taong ng Manila Chinatown, na pinakamatanda at pinakamalaking Chinatown sa buong mundo.

Sa naturang forum, ipinagmalaki rin ni Ang na inaasahan nilang sa darating na taon ay mabibilang na ang Maynila sa mga top tourist destinations sa bansa, bunsod na rin ng konstruksiyon ng mala-higante at magandang ‘Pagoda’ na tinatayang aabot sa hanggang 18-palapag ang taas.


Ayon kay Lau, na inatasang pangasiwaan ang proyekto kasama ang mga barangay chairman sa lugar, ang nasabing Pagoda ay itatayo sa Tetuan Street sa tabi ng Gandara Street at inaasahang dadagsain ito kapag natapos na. Ang pagoda ay isang temple o memorial na may malalim na cultural at religious na kahulugan lalo na para sa mga Chinoy at ito ay puntahan ng mga nais magdasal.

Ibinahagi naman ni Ang na sa unang paghukay ay may mga natagpuang buhay na ahas sa ilalim ng lupa, na ayon umano sa paniniwala ng mga Chinese ay magdadala ng swerte.

Ani Ang, nagpapasalamat si Mayor Honey Lacuna sa Chinese-Filipino community sa Maynila na nag-volunteer para balikatin ang mga gastusin kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year, dahilan upang walang kailangang gastusin ang lungsod kahit isang kusing.



Tags: Manila City Administrator Bernardito "Bernie" Ang

You May Also Like