Latest News

Magiliw na hinahalikan ni Mayor Honey Lacuna ang tatlo sa mahigit 10 alagang aso. Nananawagan siya sa lahat na pabakunahan ang mga alaga laban sa rabies sa ilalim ng programa ng Maynila kung saan ito ay libre.

PET LOVERS, HINIKAYAT NA SAMANTALAHIN ANG LIBRENG BAKUNANG ALOK NG MAYNILA SA ‘FUR BABIES’

By: Jerry S. Tan

HINIHIMOK ni Mayor Honey Lacuna ang mga residente ng Maynila na may ‘fur babies’ o alagang hayop na samantalahin ang libreng anti-rabies vaccination na alay ng lokal na pamahalaan upang tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga alaga, may-ari at buong komunidad.

Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna bilang bahagi ng pakikiisa ng pamahalaang-lokal sa sa ‘Rabies Awareness Month,’ kasabay ng pagbibigay-diin sa kalahagahan ng pagpapabakuna ng mga alagang aso o pusa, dahil ang rabies ay maaring mailipat mula sa hayop papuntang tao at maari pang maging sanhi ng kamatayan.

Inanyayahan ni Lacuna ang mga residente na makiisa sa pamahalaang-lokal sa pagsisikap nitong mabakunahan lahat ng aso at pusa sa lungsod at gawin ang kanilang bahagi sa pagtitiyak na ang mga komunidad at buong lungsod ay ligtas sa panganib ng rabies.


Ani Lacuna, ang lokal na pamahalaan ay may libreng vaccination program para sa mga alagang aso at pusa na ginagawa sa City Hall ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ng pamumuno ni Dr. Arnold Pangan.

Bukod diyan ay may libreng anti-rabies na bakuna din na ibinibigay tuwing may regular na ‘Kalinga sa Maynila’ na umiikot sa mga barangay kung saan maaaring dalhin ang kanilang alaga at hindi na kailangan pang magtungo sa Manila City Hall.


Ayon kay Lacuna, ang lungsod ay may walong uri ng animal bite treatment na libre ding ibinibigay sa animal bite clinic ng city hall, sa Sta. Ana Hospital sa ilalim ng pamumuno ng direktor nitong si Dr. Grace Padilla at maging sa pitong health centers na pinamamahalaan ng MHD.

Layunin aniya ng programa na makatulong, hindi lamang sa pagbibigay kaligtasan sa mga alagang hayop, kundi maging sa lahat ng miyembo ng pamayanan.


Binigyang-diin pa ng lady mayor, na isa ring doktor at ‘fur parent’ na may alagang 12 aso, ang kahalagahan ng pagpapabakuna ng anti-rabies sa mga alagang hayop upang makaiwas sa mga panganib na dulot ng rabies para sa lahat.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna at actor Coco Martin

You May Also Like

Most Read