Pinapurihan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang public employment service office (PESO) sa pamumuno ni Fernan Bermejo, dahil sa patuloy na pagtulong sa pagbibigay ng hanapbuhay sa mga unemployed sa kabisera ng bansa, kasabay ng paanyaya sa mga taga-lungsod na lumahok sa mga job fairs kung nangangailangan sila ng trabaho.
Sinabi ni Lacuna na simula pa noong January 1, 2023 hanggang sa kasalukuyan ay umabot na sa kabuuang 4,592 ang nabigyan ng trabaho kabilang na ang mga senior citizens at persons with disability (PWDs).
Sa nasabing bilang, 1,031 ang agad na tinanggap; 2,267 placement report of employers; 1,029 Joyride Philippines at 180 Borzo Philippines.
Sinabi pa ng alkalde na ang tanggapan ng PESO ay nagkaroon din ng career guidance report, kung saan umabot sa 4,726 estudyante ang nagbigyan ng career guide
“Ito ay para i-guide kayo (students) sa tamang landas or career path. Kailangan din nating may tumutulong sa atin sa pipiliin natin although not to the point na didiktahan tayo sa gusto natin sa buhay,” sabi ni Lacuna.
Inanunsyo din ng lady mayor na magkakaroon ng Mega Job Fair sa March 24, 2023 at gaganapin sa Sarmiento Covered Court, Teresa Street in Sta. Mesa, Manila, mula 9 a.m. hanggang 4 p.m. Ang mga aplikante ay pinaaalalahanan na magsuot ng casual attire, magdala ng 10 kopya ng resume at sariling ballpen.
“Be there 30 mins before job interview so relaxed na kayo. Dapat na may laman ang tiyan para hindi kayo nagugutom at magdala ng ballpen para di na kayo nanghihiram,” ayon pa kay Lacuna.
Nauna rito ay iniulat din ni Bermejo na nagkaroon din ng parehong mega job fair noong February 24 sa lungsod kung saan 205 ang natanggap on the spot at 473 aplikante naman ang natulungan.
Samantala, inanunsyo ni Lacuna na ang special program for employment of students (SPES) ay hiring ngayon at ang lahat ng interesado ay maaaring pumunta sa SPES o sa Facebook account nito para sa mga requirements at mga hakbang na gagawin na kasama sa programa.
Ang programa, ayon pa sa alkalde ay bukas sa mga high school graduates, college undergraduates, college graduates and technical and vocational graduates.
Magkakaroon din ng special recruitment activities sa PESO annex office sa Park ‘n Ride Building, Lawton, Ermita mula 9 a.m. hanggang 2 p.m., tuwing Lunes hanggang Biyernes. (JERRY S. TAN)