MALUGOD na pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa pagbibigay nito ng prayoridad sa kapakanan ng mga bata upang matiyak na ang bawat isa sa kanila ay magkakaroon ng opurtunidad na lumaki at matuto sa isang uri ng kapaligiran kung saan sila ay maaalagaan nang husto.
Kaugnay niyan ay nagpasalamat din si Lacuna kay Pangulong Marcos para sa mainit nitong pagtanggap sa mga tauhan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) na pinamumunuan ni Re Fugoso , gayundin sa mga preschoolers sa Maynila na lumahok sa aktibidad na pinangunahan mismo ng Pangulo at ginanap sa Malacanan.
Ayon kay Fugoso, ang MDSW ay nakilahok sa Ceremonial Activity na pinangunahan mismo ni Pangulong Marcos, Jr. bilang suporta sa pagtatatag ng Child Development Centers sa mga mahihirap na komunidad.
Ang nasabing pagtitipon ay ginawa sa Palasyo ng Malacañan at dinaluhan mismo ng Pangulo, na masayang nakihalubilo sa mga piling Manila Child Development preschoolers, Child Development Workers at mga kawani ng MDSW.
Ani Fugoso, layunin ng nasabing aktibidad ang magbigay ng abot-kaya at de kalidad na maagang edukasyon para sa mga musmos na mag-aaral sa buong bansa.
“We extend our gratitude to President Marcos for prioritizing the welfare of children. The city of Manila through our MDSW under our director, Re Fugoso, remains committed to supporting programs that uplift and empower the youth of Manila,” saad ni Lacuna.
Ayon pa kay Lacuna, gaya ni Pangulong Marcos, ang pamahalaang-lungsod ng Maynila ay nagbibigay din ng pangunahing pagpapahalaga sa mga programan na ang layon ay mamuhunan para sa sa maagang paghubog sa mga kabataan dahil sila ang pundasyon para sa isang maliwanag na kinabukasan hindi lamang ng Maynila kundi ng bansa, sa kabuuan.
“We strongly believe in the need to strength early childhood education, they being the future leaders of our country,” pahayag pa ni Lacuna.