NAGHAYAG ng labis-labis na pasasalamat si Manila Mayor Honey Lacuna kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pagpili ng Baseco at Tondo bilang mga pagbibigyan ng libo-libong kilo ng ‘frozen mackerel’ o tulingan na mula sa nasamsam na smuggled shipment kailan lamang.
Partikular na pinasalamatan.ni Lacuna si President Marcos, Jr. dahil sa laging inuuna ang mga Manileños sa tuwing may biyaya na maaring maibigay ang national government.
Magkasama sina President Marcos, Jr. at Lacuna na namahagi ng kahon-kahong naglalaman ng tig-dalawang kilo ng frozen mackerel at naroon din sina Vice Mayor Yul Servo at Manila 5th district Congressman Irwin Tieng.
Ayon kay Lacuna, dahil sa maayos at mahusay na sistemang pinaiiral ng tanggapan ni Manila deaprtment of social welfare Director Re Fugoso kung kaya’t madaling matukoy ang mga beneficiaries at tipunin para sa distribusyon ng mga ayuda anumang oras at ito rin umano ang isa sa mga dahilan kung bakit madaling makipagtrabaho ang Maynila sa Malacañang at sa Department of Social Welfare and Development sa tuwing kailangan.
“Hindi po matatawaran ang malasakit na ipinapakita ni Pangulong Bongbong Marcos sa ating mga Manileño. Ang bawat kahon ng isdang ito ay hindi lang pagkain, kundi simbolo ng pagkalinga ng ating pamahalaan sa mga Manileño. Hindi matitinag ang Maynila sa pagsusulong ng bayanihan at pagkakaisa para sa kapakanan ng bawat pamilyang nangangailangan,” ayon kay Lacuna, sabay pasasalamat din kina DSWD Secretary Rex Gatchalian, Interior Secretary Jonvic Remulla at Agriculture Francis Tiu Laurel, na tiniyak na ligtas kainin ang mga nasabing mackerel.
Nauna rito, sina President Marcos, Jr. at Lacuna ay magkasama ring namahagi ng Christmas gifts sa mga inaalagaan ng lungsod sa Boys’ Town Complex sa Marikina na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.
Ayon kay Fugoso may 4,000 packages ang ipinamahagi sa mga wards at maging sa mga mag-aaral at kawani ng Valeriano E. Fugoso Memorial School na nasa loob mismo ng Boys’ Town complex.
Isang araw bago nito, sina President Marcos, Jr. at Lacuna ay nag-abot din ng tulong sa mahigit na 2,000 na nawalan ng tirahan dahil sa sunog sa mataong lugar ng Puting Bato sa Tondo.
Inihayag ni Lacuna na ang patuloy na suportang ibinibigay ni President Marcos, Jr sa lungsod ng Maynila ay malaking tulong, sa gitna ng pagkakabaon ng kanyang administrasyon sa utang na P17.8 billion na iniwan ni ex-Mayor Isko Moreno.
Samantala, ang nasabing frozen mackerel na nagkakahalaga ng P178.5 million at imported mula China ay sinamsam ng Manila International Container Terminal (MICT) saTondo, noong December 14, 2024. Ang nasamsam na mga kargamento ng mga frozen fish na lulan ng 21 container vans ay dumating sa Manila International Container Port (MICP) noong October at nanatiling unclaimed ng consignee. Nabatid na ang naturang kargamento ay kulang ng kinakailangang Sanitary and Phytosanitary Import Clearance.
Dahil diyan ay ipinagutos ni Laurel na isailalim ang mga frozen mackerel sa laboratory tests upang malaman kung ligtas ba itong kainin dahil ipapamahagi ang mga ito sa mga lugar na naapektuhan ng mga nagdaang bagyo.














