NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng senior citizens sa lungsod na i-surrender ang kanilang PayMaya cards na mapapaso na ngayong buwan at para mapalitan ng bagong senior citizen cards na walang expiration date.
Ayon kay Lacuna, lahat ng PayMaya cards na dating ginagamit ng mga senior citizens para makuha ang kanilang buwanang cash allowance ay nakatakdang mag-expire ngayong buwan ng September.
Dahil na rin sa madalas na inirereklamo ng mga senior citizens sa kanyang opisina at sa tanggapan ni Office of Senior Citizens Affairs (OSCA) chief Elinor Jacinto ang mga nararanasan nilang hirap sa paggamit ng PayMaya gayundin ang hiling ng mga ito na ibalik na lang sa dating sistema ang paraan ng pagkuha nila ng kanilang monthly allowance mula sa mga barangay na mas madali, ay pinagbigyan sila ni Lacuna.
Ang payout ay nakatakdang ibigay ngayong buwan ng mga barangay at ayon kay Lacuna, ang mangilan-ngilan na natitirang senior citizens na mayroon pang PayMaya ay maaaring i-surrender ang nasabing cards upang mapalitan ng OSCA cards na magagamit nila sa pagkuha ng kanilang cash allowance mula sa lokal na pamahalaan.
Sinabi naman ni Jacinto na batay sa atas ng alkalde, lahat ng mga senior citizens na ‘bedridden’ o immobilized at di na makaalis ng bahay ay bibisitahin ng kanilang barangay kung hihilingin nila ito, upang sila ay maisyuhan din ng senior citizen cards.
Maari din naman umanong magtakda ng ‘authorized’ na kaanak o kasamahan sa bahay para kumuha ng kanilang senior IDs .
Ang ‘authorized’ na kinatawan ng senior citizen ay maaaring magpunta sa OSCA office sa City Hall o bisitahin ang “Kalinga sa Maynila” kung saan may OSCA booths para mag-asikaso sa kanila sa oras ding iyon,
Napag-alaman sa alkalde na dahil sa kahilingan ng senior citizens, ang kanilang buwanang cash allowance ay ipapamahagi na lamang sa pamamagitan ng kani-kanilang barangay at mananatili ang allowance nila doon sa loob ng isang linggo upang mabigyan ng sapat na panahon ang mga senior citizens na makuha ito.














