Iniimbita ni Mayor Honey Lacuna ang mga Chinoy sa mga aktibidad na nakalinya para sa Chinese New Year celebration sa Maynila. (JERRY S. TAN)

PAPURI AT IMBITASYON SA MGA CHINOY MULA KAY MAYOR HONEY

Inimbita ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Chinese-Filipino community sa lungsod na dumalo sa mga nakalinyang aktibidad para sa Chinese New Year.

Kasabay niyan ay pinapurihan niya rin ang mga ito dahil sa patuloy na suporta nito sa pamahalaang- lungsod lalo na noong kasagsagan ng pandemya sa bansa.


Bilang pagbabalik ng kabutihan nila ay tiiniyak naman ni Mayor Honey na ipagkakaloob ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kailangang tulong ng mga Chinoy ke residente man, turista o mamumuhunan sa Maynila.

Inihayag ni Lacuna na ang mga gawaing nakalatag kaugnay ng selebrasyon ng Chinese New Year sa pakikipagtulungan at koordinasyon sa pagitan ng Chinese-Filipino community at ng Manila city government.

Mula January 19 hanggang 22, magkakaroon ng Chinatown Food Festival sa Plaza Lorenzo Ruiz mula 10 a.m. hanggang 10 p.m.


Sa January 21, sa ganap na 11 p.m., ay gaganapin naman ang Chinese New Year Countdown at Grand Fireworks Display sa Filipino-Chinese Friendship Bridge sa Intramuros.

Sa January 22, na mismong araw ng Chinese New Year, ay magkakaroon ng Dragon Boat Competition na magsisimula sa Birch Tree Plaza ganap na alas-8 ng umaga.


Pagsapit ng alas-2 ng hapon ay gaganapin naman ang ‘Solidarity Parade’ na magsisimula sa Post Office samantalang alas-6 ng gabi ay magkakaroon ng Huaxing Arts Group Chinese Cultural Show sa Plaza Lorenzo Ruiz bilang pagtatapos ng mga aktibidad sa nasabing okasyon. (JERRY S. TAN)


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read