Umaapela si Manila Mayor Honey Lacuna ng pang-unawa sa mga Manilenyo kaugnay ng kinakaharap na problema sa paghahakot ng basura sa lungsod, kasabay ng pagtitiyak na maibabalik sa normal ang koleksyon ng basura sa lalong madaling panahon kasunod na rin ng paglilipat ng trabaho sa dalawang bagong garbage contractors.
Sa kanyang mensahe sa flag raising ceremony nitong Lunes, humingi ng pang-unawa at pakikipagtulungan si Lacuna sa mga residente, sa gitna ng pagpapalit ng contractor ng basura sa lungsod dahil na rin sa kabiguan ng dating contractor, ang Leonel Waste Management, na gampanan ang kanilang tungkulin.
“Kukunin ko na din ang pagkakataong ito para humingi ng paumanhin sa hawat isang Manilenyo sa nangyaring problema natin sa basura. ‘Wag po kayong mag-alala. Sisikapin po natin na matugunan ang problemang ito sa pinakamabilis na panahon at sisiguraduhin po natin na magbabalik sa normal ang atin pong paghahakot ng basura,” anang alkalde.
“Ang akin lang pong hiling ay ang inyong ibayong pang-unawa at pakikisama nang sa gayon, sa lalong mas mabilis na panahon, ay matapos natin ang problemang ito.’Wag ho kayong mag-alala. Hindi po natin pababayaan ang bawat isang pamilyang Manilenyo. Kung tayo po ay sama-sama, gaya po ng aking laging sinasabi, wala pong imposible,” dagdag pa niya.
Matatandaang nagkaroon ng 400% pagtaas sa volume ng basura sa lungsod dahil sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Gayunman, lumala ito matapos na abandonahin ng dating contractor ng basura ang obligasyon nito at hindi maghakot ng basura para sa maayos na transisyon ng paghalili ng bagong mga contractors.
Ang Leonel ay kinuhang contractor ng basura noong panahon ng dating administrasyon ni Isko Moreno.
Tiniyak naman ni Lacuna na pananagutin ito dahil sa pag-abandona sa kanilang obligasyon sa lungsod.
Samantala, sa parehong okasyon ay hinimok rin ni Lacuna ang lahat ng Manilenyo na tumayo bilang iisa sa pagharap sa mga hamon ng Bagong Taon.
Ani Lacuna, sa kabila ng pagkakaiba-iba ng bawat isa, ang pagtahak sa iisang layunin o pangarap ng bawat ay makakatiyak ng pag-asenso ng lungsod.
“Hinihingi ko rin po ang kooperasyon ng bawat isa sa atin nang sa gayon ay mapanatili ang pagtitiwala sa atin ng ating mga kapwa Manilenyo,” aniya.














