“Switch to Isko” ang panawagan ngayon ng Mayor Rodrigo Roa Duterte National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), isang malaking volunteer group na tumulong upang manalo si President Duterte noong 2016 elections.
Ito ay matapos na pormal na ihayag ni MRRD-NECC president, former Agrarian Reform Secretary John Castricciones, at ng kanyang grupo ang buong pagsuporta nila kay Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno. Ito ay sa pamamagitan ng pagpiprisinta ng manifesto of support mula sa mga opisyal at miyembro na dumalo din sa press conference na ginawa sa Intramuros.
Sa pormal na turnover ng nasabing manifesto, nagbigay si Castricciones ng tatlong pangunahing dahilan kung bakit pinili nilang tulungan at i-endorso si Moreno.
Una, ay dahil nakikita nila kay Moreno ang sinseridad nito sa pagtulong sa mga mahihirap dahil nagmula din aniya si sa mahirap na sektor.
“Ikaw ang may tunay na pagmamahal sa mahihirap at totoong nakakakilala sa hirap ng tao,” ani Castricciones.
Isa pang criteria kung bakit nila pinili si Moreno bilang presidential candidate na susuportahan ay dahil sa commitment nito na tulungan ang mga magsasaka at ang kagustuhan nito na ituloy ang mga major programs na sinimulan ng Duterte administration.
Ikatlo ay naniniwala umano ang MRRD-NECC na ang lahat ng ginawa ni Moreno sa kabisera ng bansa ay kanya ring gagawin sa buong bansa, bukod pa sa pagiging maka-Diyos nito sa palagiang pagbigkas ng “God, First!”
Bilang tugon ay pinasalamatan ni Moreno MRRD-NECC sa kanilang suporta at sinabing kailangan niya ang lahat ng tulong na makukuha niya… “and today, I think ang pinaka-malaking suporta na nakuha ko ay manggagaling sa MRRD. Eh kasi, nakapagpanalo na kayo ng Presidente, baka makadalawa… may awa ang Diyos.”
“Sa tulong ninyo, sana matulungan nyo kaming abutin at dumiretso kayo sa taumbayan, sa mamamayan na maipabatid ang mga mensahe natin at mga pangarap natin sa ating mga kababayan. As I have committed, pagkakapantay-pantay, sa Mindanao, Visayas, Luzon– mahirap, middle class, mayaman.. lahat pantay-pantay sa pananaw ng inyong lingkod in terms of policies, programs and services,” pahayagi ni Moreno.
Sinabi pa ng alkalde na “since tayo ay bagong kasal, ang susunod ay humayo kayo at magparami,” kasabay ng pahayag na ang naturang organisasyon ay binubuo ng mga ‘warm bodies’ o totoong tao.
Ayon pa kay Castricciones, inaasahan nila na ang mga naunang nagbigay ng suporta sa presidential bid ni Senator Bong Go ay lilipat na rin kay Moreno matapos na ang MRRD-NECC ay pormal na nagbigay ng suporta sa alkalde.
“In the different regions and provinces and mostly, if not all, leaders came from MRRC-NECC. Pag Nakita nilang ang hierarcy ineendoso si Mayor Isko, siguradong magbabalikan ang mga ‘yan. Modesty aside, bawat sulok ng Pilipinas ay may miyembro tayo ng MRRD-NECC,” ayon kay Castricciones.
“We see in him the qualities of a good President and it is the consensus that we will support him,” dagdag pa nito. (Baby Cuevas)