Hinihikayat ng Simbahang Katoliko ang mga mananampalataya na ipanalangin na magkasundo ang. mga lider ng bansa, sa gitna ng palitan ng maanghang na salita sa pagitan ng mga ito.
Tinukoy ni Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) Military Ordinariate of the Philippines Bishop Oscar Jaime Florencio ang namumuong tensyon sa pagitan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa Obispo, na siya ring chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Prison Pastoral Care, mahalagang ipanalangin ang kaliwanagan ng puso at isip ng mga opisyal ng pamahalaan upang magkaroon ng naaangkop na desisyon at aksyon para sa kabutihan ng bayan.
Sinabi ni Bishop Florencio na may direktang epekto sa buhay ng taumbayan ang mga gagawing desisyon ng mga opisyal ng pamahalaan. kaya naman mahalagang ipanalangin ang tuwinang paggabay ng Banal na Espiritu sa mga halal na lingkod-bayan.
“True leaders are supposedly discerning kong ano ang dapat gagawin nila. Kasi kong anuman ang kanilang gawin at sabihin will always have some repercussions para sa mga constituents. Ipagdasal natin sila at huwag tayo magpadala. As a people and community meron pa rin tayong magagawa. Listen to the promptings of the Holy Spirit.” dagdag ni Florencio.
Dapat umano na maging alerto at mapagbantay ang bawat isa sa mga hakbang ng pamahalaan na dapat ay tuwinang para sa kabutihan at kapakanan ng bayan at ng taumbayan.
Matatandaan na sa naganap na prayer rally sa Davao City noong Linggo, Enero 28, 2024 ay tinuligsa ni Duterte ang People’s Initiative kung saan muli din nitong inakusahan ang pamilya Marcos ng pagtatangkang palawigin ang kanilang kapangyarihan at idinawit pa ang pangalan ni Pangulong Marcos, Jr. sa umano’y pagkakasama ng sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), bagay na mariing pinabulaanan ng naturang ahensya.
Kaugnay nito, sinabi ng Santo Papa Francisco na ang pulitika ang isa sa pinakamataas na paraan ng pagmamalasakit sa kapwa dahil sa dapat na pagtutok ng mga opisyal ng pamahalaan sa pagsusulong ng ‘common good’ o ang makabubuti sa mas nakararami.