Latest News

Binigyang-diin ni Aksyon Demokratiko chair Ernest Ramel na hindi 'fake news' ang ukol sa P203-bilyong utang sa estate tax ng Marcos family sa gobyerno. Hawak nito ang isa sa mga binanggit niyang ebidensiya sa press conference.

Pahayag ni Aksyon Demokratiko Chairman Ernesto Ramel, Jr. Tungkol Sa Pagtawag ni Bongbong Marcos, Jr. sa Estate Ruling ng Korte Suprema Bilang “Fake News”

“Una: Ang katotohan po G. Marcos Jr ay kailanman ay hindi po fake news. Ang tunay na fake news ay pagtatwa sa katotohanan para patuloy na lituhin ang mga Pilipino.

Pangalawa: Hindi po paninira at negatibong kampanya ang magsabi ng katotohanan. Nagsalita na po ang Korte Suprema at naghatol na ito ay pinal na. Nagsalita na po kamakailan ang PCGG at BIR bilang tugon sa aming liham at pinasinungalingan ng mga ito ang mga pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, isa mga mamahaling abogado at tagapagsalita ni Marcos ,Jr.

Ultimo ang Department of Finance ni Pangulong Duterte ay inutusan ang BIR na nasa ilalim nito na kolektahin na ang naturang P203B estate tax.


Pangatlo: Ang tunay na isyu po dito ay ang karakter ng nais mamuno sa ating bansa. May isang kandidato na tapat na nagdeklara ng labis sa kanyang sumobrang pondo sa kampanya noong 2016 at agad nagbayad ng karampatang buwis. Pero may isang kandidato na 25 taon na mula ng inutusan ng Korte Suprema na magbayad ng takdang estate tax pero sa pamamagitan ng mga mamahaling abogado at malakas na impluwensya at kapangyarihan ay hindi marunong tumalima sa pamahalaang nais niyang pamunuan.

Pang-apat: Usapin din po ito ng kakayahang mamuno ng na may tunay na solusyon at mabilis umaksyon. Malinaw pa sa sikat ng araw kung sino ang muling nagbalik sigla at ningning sa lugar na kanyang pinamunuan.

Mula sa paglilinis ng mga kalyeng dating kilala sa kadugyutan hanggang sa pagpapaganda ng mga parks at landmarks sa buong lungsod kabilang na dito ang Manila Zoo. Sa pagpapatayo ng 7 pabahay, mga hospital lalo na ang world-class na Ospital ng Maynila at tatlong sampung palapag na fully-airconditioned public school buildings.

Noong pandemya ramdam ang kanyang liderato. Nagpatayo ng dekalidad na COVID 19 field hospital sa loob ng 52 days, may 24/7 na libreng testing at bakunahan kabilang ang drive-thru sa Luneta. Libreng mga gamot laban sa COVID taga-Maynila ka man o hindi at ayuda ng pagkain sa 700,000 na pamilya sa loob ng 6 na buwan. Lahat ‘yan at marami pa nagawa sa gitna ng krisis sa loob lamang ng 2 taon.


Ihambing natin ito sa walang-ningning na pagganap bilang gobernador ng siyam na taon ni Marcos, Jr..

Sa tingin ninyo, sino ang may kakayahang mamuno at ulitin ang nagawa sa kanyang pinamunuan sa susunod ng 6 taon bilang pangulo?

Tayo po ay matagal nang naglatag ng malinaw na mga plano at plataporma at may mga patunay pa. Hindi po tayo naninira bagkus ay nagsasabi lamang ng mga katotohanan. Makakaasa kayo na bawat sentimo ng P203-Bilyon na masisingil mula kay Marcos, Jr. ay mapupunta at mapapakinabangan ng bawat Pilipino.

Ikaw na po ang nagsabi noong Biyernes, G. Marcos, na tatalima ka anuman ang iutos ng korte. Sir, the Supreme Court had already spoken in 1997. Hinihintay naman po namin kung kailan kayo magbabayad ng buwis na umabot na sa P203-B. Tama na po ang pagtatago sa mga mamahaling abugado na mahilig lamang lituhin ang taumbayan. Malinaw po at ang katotohanan ay nasa harapan na po nating lahat.”


Tags: Atty. Vic Rodriguez

You May Also Like

Most Read