INIHAYAG ni Mayor Honey Lacuna na patuloy ang paglago ng ”revenues’ ng lungsod ng Maynila, na isang indikasyon ng tiwalang ibinibigay ng publiko sa kasalukuyang administrasyon.
Sa kanyang talumpati sa regular na flagraising ceremony sa City Hall, sinabi ni Lacuna na ang paglago sa kita ng kabisera ng bansa ay isang magandang balita para sa mga Manileño, dahil mas maraming proyekto ang mapopondohan nito at mas maraming residente ng Maynila ang makikinabang dito.
“Batay sa datos na aking natanggap nitong mga nakaraang linggo ay patuloy pong nagtitiwala sa atin ang ating mga kababayan na may mga kalakal dito sa ating lungsod, Patuloy na tumataas ang ating revenues isang bagay na dapat nating pasalamatan dahil sa mga pumapasok na pondo sa atin, mas marami po tayong programa at proyektong magagawa,” sabi ni Lacuna.
Pinasalamatan ng alkalde ang lahat ng stakeholders pati na ang kanyang kapwa manggagawa, partikular si Vice Mayor Yul Servo-Nieto, mga city councilors, city officials na ayon sa kanya ay napaka- supportive sa lahat ng mga programa kaya naman ito ay nagtagumpay.
Binanggit din ng lady mayor ang tulong mula sa private sector, at umaasa siya na hindi mapapagod ang mga ito sa pagsuporta sa lokal na pamahalaan ng Maynila.
Sa kanyang talumpati, tiniyak din ni Lacuna na ibibigay niya ang lahat ng kanyang lakas upang mapagsilbihan ang mamamayan ng Maynila.
“Di po ako pupuwedeng maubusan ng lakas, dahil tayo po ay pinagkatiwalaan ng ating mga kapwa at ako po ay nagpapasalamat dahil lagi ko namang sinasabi di ko naman po kayang mag-isa. Andiyan po ang aking VM, Sangguniang Panglungsod, mga namumuno sa iba’t-ibang departamento at maging ang lahat ng ordinaryong kawani ng ating pamahalaan. Maraming, maraming salamat po sa inyo,” sabi pa nito.
Matapos niyan ay pinapurihan naman ni Lacuna ang Manila Police District sa pamumuno ni PBGen. Andre Dizon at ang lahat ng mga kaugnay na departamento ng lungsod, dahil sa matagumpay na pagmantina ng ‘peace and order’ sa dalawang malaking festivals na ginanap sa lungsod nitong nakaraang mga linggo.
Partikular niyang pinuri ang maayos at mapayapang pagdaraos ng Feast of the Black Nazarene noong January 9 at ang Feast of the Sto. Nino sa Tondo at Pandacan nitong nakaraang Linggo lamang. (JERRY S. TAN)














