SERYOSONG pinag-aaralan ng nangungunang partido sa Maynila na Asenso Manileño, ang pagsasampa ng kaso kaugnay ng mga kumakalat na fake surveys partikular ang walang habas na paggamit sa dalawang unibersidad na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod, ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) at Universidad de Manila (UdM).
Mismong ang student body ng UdM ay nanawagan sa publiko na maging mapagmatyag laban sa mga kumakalat ng ‘misinformation’ kasabay ng kanilang pagtanggi na may isinagawang survey sa mga mag-aaral ng nasabing pamantasan.
Sinabi ni Atty. Princess Abante, information officer ng Asenso Manileño Movement, na hindi nila pupuwedeng basta lamang hayaan at palalagpasin si Isko Moreno at ang kanyang mga alagad na salingin ang ‘non-partisan character’ ng PLM at UdM at ipangalandakan ang fake surveys sa academic communities at sa mga residente ng Maynila.
Ayon pa kay Abante, ang nasabing fake surveys at mga kaugnay na social media post ay kanila nang ini-refer sa kanilang legal team para sa posibleng legal action sae Commission on Elections at MORES (Marketing and Opinion Research Society of the Philippines).”
Ipinahayag pa ni Abante na posibleng may Comelec resolutions and rules at MORES Code of Ethics na nilabag sa mga naglipanaang fake surveys sa social media at online.
“Asenso Manileño team is in the best position to recommend the next steps,” saad pa ni Abante.
Samantala, ang Student Supreme Government (SSG) ng UdM na kumakatawan sa lahat ng mag-aaral ng unibersidad ay pormal na itinanggi ang post na umiikot ngayon sa online, kung saan may isang grupo ang gumawa umano ng internal Mayoral Preference 2025 survey sa UDM.
“…upon thorough verification, there is no record of UDM students participating in any such political survey. Additionally, no recognized student organization within the University has endorsed, promoted or advertised any political candidates for the upcoming elections,” ayon sa pormal na pahayag ng SSG na ipinost din sa social media matapos na mai-post din ang fake surveys.
“We strongly urge the public to remain vigilant against misinformation that can easily spread online. False or misleading content has the potential to manipulate perceptions, create division, and undermine informed decision-making. As the 2025 elections approaches, we encourage everyone to practice critical thinking and verify sources before believing or sharing Information,” dagdag pa ng SSG ng UdM.