HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga Manilenyo na bigyang pagpupugay at parangal ang bayani na nagbuwis ng buhay upang matamo natin ang kalayaang tinatamasa natin ngayon, kasama na ang mga ‘frontliners’ na nagbuwis ng kanilang buhay sa panahon ng pandemya.
Sinamahan ni Lacuna sina President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at iba pang mga opisyal ng bansa sa padalo sa pagdiriwang ng ika – 127 taong anibersaryo ng Araw ng Kalayaan sa Luneta.
Kaugnay niyan ay hinikayat ng alkalde ang mga residente ng lungsod na bigyang parangal, pagpupugay at gawing inspirasyon ang mga bayani na nakipaglaban sa mga dayuhang mananakop na naging dahilan ng kanilang kamatayan.
“Bigyang-halaga natin ang kagitingan at matibay na paninindigan ng ating mga bayani. Nagpupugay tayo sa pangarap, pagsisikap, malasakit at pag-aalay nila ng kanilang sarili sa ngalan ng kalayaan,” ani Lacuna.
Matatandaan na sI Lacuna, na isa ring doktor, ang siyang namuno sa health cluster sa Maynila sa kasagsagan ng pandemya. Pinangunahan din niya ang pagbabakuna sa lungsod noong panahong iyon.
Pinarangalan din ni Lacuna ang mga frontliners na nahawa ng COVID- 19 ngunit nakaligtas, sa ginawa nilang paglalagay sa peligro sa kanilang buhay at maging sa kaligtasan ng kanilang pamilya, mailigtas lamang ang iba.
Binigyang-diin din ng alkalde ang papel na ginagampanan ng pagkakaisa at sinabing ang pagkakaisa ng mga Filipino noong pandemya ang isa sa dahilan kaya nalagpasan ng bansa ang krisis. .
Ayon pa kay Lacuna, sa kabila nang huminto ang mundo na naging dahilan upang ipagbawal ang face-to-face events at mga pagdiriwang, ang pagkakaisa, kooperasyon at pagsunod sa mga itinakdang alituntinin at protocols ang siyang dahilan upang manumbalik sa normal ang lahat.














