LUMIHAM ang Aksyon Demokratiko sa Presidential Commission on Good Government (PCGG) upang linawin kung totoo ang sinasabi ng kampo ni dating Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos ,Jr. na pinag-uusapan pa ang isyu ng hindi nila nababayaran na estate tax na aabot na ngayon sa P203-bilyon.
Batay sa liham na ipinadala kay PCGG Chairman John Agbayani nitong Marso 9, hiniling ni Aksyon Demokratiko Chairman Ernest Ramel na linawin ng ahensya ang pahayag ni Atty. Vic Rodriguez, tagapagsalita ni Marcos, ukol sa umano’y kasunduan sa pagitan ng Bureau of Internal Revenue at PCGG sa hindi nababayarang estate tax.
“As a taxpayer and a citizen of the Republic, I now ask you, the PCGG Chairman, if there is an iota of truth to the statement of Atty. Rodriguez,” ayon kay Ramel.
Aniya, maaari umanong sagutin ang tanong sa oo at hindi lamang. Kung oo ang sagot, nararapat umano na ilantad ni Agbayani ang mga detalye ng kasunduan dahil ang isyu ay interes rin ng publiko.
Kung hindi ang sagot, isa na naman umano itong patunay na nagsinungaling na naman ang kampo ni Marcos tulad ng ginagawa nila sa iba’t -ibang isyu ukol sa kanilang pamilya.
Nauna rito ay pinadalhan ng sulat ni Ramel si BIR Commissioner Ceasar Dulay upang itanong kung nagpadala na ang ahensya ng demand sa mga Marcos ukol sa hindi pa nababayarang P203-bilyong estate tax sa pamahalaan.
Matatandaan na sinabi ni presidentiable Mayor Isko Moreno na kung siya ang mananalong pangulo, isusulong niya ang pagsingil sa naturang pagkakautang ng mga Marcos na gagamitin naman niya bilang pangayuda sa mga Pilipino na labis na apektado ng pandemya sa COVID-19.