Iniatas ni Manila Mayor Honey Lacuna ang agarang paglilikas sa daan-daang pamilya sa lungsod na apektado ng pananalasa ng bagyong ‘Carina’ Martes ng umaga.
Ayon sa ulat ni Manila Social Welfare Department (MSWD) chief Re Fugoso sa alkalde, napag-alaman na hanggang alas- 3 ng hapon ay umaabot na sa 84 ang bilang ng mga pamilyang inilikas mula sa Barangay 20 sa Isla Puting Bato sa District 1 patungong Delpan Evacuation Center.
Dalawa naman ang pamilyang mula sa Barangay 128, Building 3; 40 pamilya mula sa Barangay 101, Building 1 covered court Katuparan at 36 na pamilya mula sa R10 Green Building, 3rd Floor, ang inilikas rin sa ligtas na lugar.
Sa District 3 ay may kabuuang 28 pamilya mula sa Barangay 275, Gate 54 at 58 at 174 pamilya mula sa Baseco, ang pawang inilikas na rin sa mga ligtas na lugar, bunsod ng pabugsu-bugso at malalakas na mga pag-ulan.
Samantala, hanggang ala-1 ng hapon ay ilang lugar din sa Maynila ang iniulat sa alkalde na naapektuhan ng baha.
Iniulat ang gutter-deep floodwaters sa M. Adriatico, Padre Faura to Intersion 2, Quirino Station S. E2 (Vito Cruz L.), Quirino Station S. E2 (Facing Vito Cruz R.), P. Ocampo to Roxas, Quirino Station E2 S. (To Entrance), P. Ocampo To LRT Station, Taft NBI Parking Taft NBI Exit, Taft cor. Natividad (sakayan) at Taft Avenue NBI.
Sinabi rin ng tagapagsalita ng alkalde na si Atty. Princess Abante na iniutos din ni Lacuna ang pagsuspindi sa lahat ng klase sa private elementary at high schools sa Maynila, pati na ang face-to-face classes.














