Tiniyak ni Manila Mayor Honey Lacuna na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang lahat ng mga hakbang na nagpapakita ng pagpapahalaga sa mga taxpayers at stakeholders sa Maynila.
Kaugnay niyan ay nanawagan ang alkalde sa lahat ng mga kinauukulang tanggapan ng lokal na pamahalaan na tulungan ang pamahalang-lokal na panatilihin ang estado nito sa Anti-Red Tape Authority (ARTA) na naggawad sa pamahalaang lungsod ng ‘certificate of commendation’ bilang pagkilala sa matagumpay na paglalagay sa kaayusan at mabilis na proseso para sa mga business permits at licenses.
Ang pagkilala ay iginawad para sa magadang sistema ng electronic business one-stop-shop (E-Boss) alinsunod sa mandated Ease of Doing Business and Efficient Delivery Act of 2018 na pinaiiral sa Maynila
“Kinilala rin ang ating E-Boss ng ARISE Awards o ang Accelerating Reforms for Improved Service Efficiency. Patunay na ang ating pamahalaan ay patuloy na naghahain ng de-kalidad at episyenteng serbisyo publiko. Ito ang ilan sa payak na pagkalinga at pagpapahalaga natin sa ating mga stakeholders at taxpayers,” pahayag ni Lacuna.
Gaya ng dati ay ibinigay ni Lacuna ang kredito para sa mga karangalang natatanggap ng g kanyang administrasyon sa suporta at tulong na nagmumuilala sa kanyang mga kapwa manggagawa sa lokal na pamahalaan, maging ito man ay opisyal o mga kawani mula sa rank-and-file.
Ayon kay Lacuna, ang Maynila ay nanguna rin sa Cities and Municipalities Competitiveness Index para sa Infrastructure bilang Highly- Urbanized City at pumangalawa sa Overall Most Competitive Highly Urbanized City.
Sinabi ni Lacuna na ang lungsod ay ginawaran ng ‘Excellence in Digital Public Services’ at pumangalawa bilang ‘Best in eGovernance Business Empowerment’ sa Digital Governance Awards.
“Sa pagpapanatili natin ng maayos, bukas at may pananagutan sa pagpapatupad ng mataas na pamantayan sa Accounting at Auditing, gayundin sa pagsunod natin sa Full Disclosure Policy, ay muling nakapasa ang Maynila sa Good Financial Housekeeping Assessment ng DILG-NCR,” ayon kay Lacuna.
“Layunin nating maipagpatuloy ang pagsusulong ng competitiveness at economic growth. Ipinapakita ng ating lungsod ang pagkakaroon ng bukas na oportunidad para sa paglago na magbibigay ng benepisyo sa mga Manilenyo at sa buong bansa,” dagdag pa nito.














