Latest News

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang pagdakila sa ika-159th birth anniversary ni Gat Andres Bonifacio sa Tondo, Maynila kahapon. (JERRY S. TAN)

PAGKAKAISA SA LIKOD NG MGA HALAL NA OPISYAL, PANAWAGAN NI MAYOR HONEY

“Mahalaga ang pakikiisa ng lahat sa sinumang pinuno na nahalal ng higit na nakararami. Alalahanin natin na ang tagumpay ng pamahalaan, ay tagumpay ng taumbayan. Sama-sama nating harapin ang anumang hamon o pagsubok nang may pagtitiwala at pagmamalasakit sa isa’t isa. Gamitin nating inspirasyon ang kadakilaan ni Gat Andres Bonifacio. Panaigin natin ang ating pagka-Pilipino.”

Ito ang ipinanawagan kahapon ni Manila Mayor Honey Lacuna sa paggunita ng ika-159th birth anniversary ni Gat Andres Bonifacio na ginanap sa Bonifacio monument sa Tondo, Maynila, kung saan hiniling din niya sa lahat na magkaisa sa pagsuporta sa mga halal na opisyal ng bansa upang matiyak ang tagumpay sa pamamahala na magbibigay benepisyo sa bawat isang mamamayan.

“Maging bahagi tayo ng pagbuo, hindi ng pagkasira. Maging daan tayo ng pag-unlad,hindi ng pagbagsak,” ani Lacuna sa okasyon na dinaluhan din nina Vice Mayor John Marvin Yul Servo Nieto, city councilors, kaanak ni Gat Andres Bonifacio, Alvin Alcid ng Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas, Division of City Schools Superintendent Dr. Magdalena Lim, Jessica Santos ng Tutuban Properties, Inc. at mga kinatawan ng Most Worshipful Grand Lodge of Free and Accepted Masons of the Philippines pati na ang Order of the Knights of Rizal at mga department heads.


Hinikayat din ni Lacuna ang lahat na gayahin si Bonifacio na inuna ang pagmamahal sa bayan at isinantabi ang personal na interes at kapakanan na sukdulang ikinasawi ng kanyang sariling buhay.

“Ipamalas natin ang malasakit di lamang para sa sarili kundi para sa iba. Sundin natin ang mga payak na batas at pairalin natin ang malawak na kaisipan. Ialay natin ang ating panahon sa mga makabuluhang gawain. Manindigan tayo sa tama, di lamang sa salita kundi lalo na sa ating mga ginagawa,” pahayag ni Lacuna.


Nagpahayag din si Lacuna ng pagmamalaki sa pagiging true-blooded Manilan ni Bonifacio kung saan inilarawan niya ito bilang : “Isang tunay na Batang Maynila, may puso at malasakit sa bansa” kung saan ang buhay ay nagsilbing inspirasyon na magsikap sa kabila ng kahirapan at maging instrumento sa pakikipaglaban sa lahat ng uri ng kawalang hustisya.

“Sa mga nasaksihan niyang panggigipit at paglapastangan sa mga karapatang pantaong dulot ng mga mananakop ay nanindigan siya at pinamunuan ang paghihimagsik at hinirang siya bilang supremo ng Katipunan,” dagdag pa nito.


“Ito ang hamon sa atin sa kasalukuyang panahon. Wala mang dayuhang mananakop tayong kailangang labanan, ngunit mayroon pa ring mga panlipunang suliranin tayong kinakaharap. Ganap man nating tinatamasa ang Kalayaan, ngunit mayroon pa rin sa ating nakararanas ng pang-aabuso, pagmamalabis, at paninikil ng mga mapagsamantalang indibidwal,” aniya pa.

Ayon kay Lacuna, ang mga Pilipino ay nagpakita ng lakas at katatagan sa panahon ng pandemya sa loob ng dalawat kalahating taon, at patuloy na humaharap sa mga paghamon sa pang-araw-araw na buhay hindi lamang para sa kanilang sarili kundi para sa kanilang pamilya.

Sa kabila ng lahat ng ito, ang tangi umanong puwedeng paghugutan ng pag-asa at tulong ay walang iba kundi ang pamahalaan, lokal man at national at maging ang mga opisyal na patuloy na nagsisikap na makapagbigay ng serbisyo at programa upang maibsan ang mga problemang dala ng pandemya.

Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Lacuna ang kahalagahan ng kooperasyon, pakikilahok at suporta ng publiko at sa kaso ng Maynila, ng mga residente nito.

Sa kanyang talumpati ay binanggit naman ni Servo ang mga sakrispisyo na ginawa ni Bonifacio para sa bansa at inihalintulad niya na maging si Lacuna na isang doktora na maaring mabuhay nang mariwasa ay pinili ang pagseserbisyo sa publiko bilang isang lingkod-bayan. (JERRY S. TAN)

Tags: Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read