Si Manila Mayor Honey Lacuna sa isang pulong kasama sina (mula kaliwa) MDRRMO chief Arnel Angeles, MPD Director PBGen. Andre Dizon, ang tagapagsalita ng alkalde na si Atty. Princess Abante at MTPB adviser Dennis Viaje. Pinakikilos ng alkalde lahat ng may kinalamang tanggapan para mapanatiling maayos at payapa ang pagdaraos ng Holy Week sa lungsod. (JERRY S. TAN)

Paghahanda sa Holy Week, kinasa ni Mayora Honey

BINIGYAN na ng kanya-kanyang atas ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lokal na kapulisan at ang lahat ng concerned departments, offices at bureaus ng pamahalaang-lokal upang maghanda na sa kanilang papel na gagampanan para sa maayos at payapang pagdaraos ng lungsod ng Mahal na Araw

Inatasan na ni Lacuna si Manila Police District (MPD) Director, PBGen. Andre Dizon, na tiyakin na sapat ang bilang ng mga police personnel na itatalaga sa lahat ng Simbahan at sa paligid nito upang maiwasan ang posibilidad ng pagkalat ng mga elementong kriminal na mambibiktima ng mga pupunta sa Simbahan


Binigyang direktiba rin ng lady mayor ang Manila Traffic and Parking Bureau sa ilalim ni Zeny Viaje na tiyakin na malaya ang daloy ng trapiko at galaw ng mga pedestrians sa mga lugar na inaasahang dadagsain ng mga taong magsasagawa ng ‘Visita Iglesia’ na isa ng nakaugaliang pagbisita sa may 14 na Simbahan sa Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Ang Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni Arnel Angeles ay inatasan din ni Lacuna na maglagay ng mga tauhan na naka- standby sa lugar malapit sa mga Simbahan sakaling magkaroon ng emergencies.

Nakaalerto naman ang Manila Health Department sa pamumuno ni Dr. Poks Pangan gayundin ang anim.na district hospitals ay nakaalerto upang tumanggap ng emergency cases at iba pang occasion-related incidents.


Kabilang pa sa pinaghahanda ni Lacuna ay ang department of public services na magtalaga ng sapat na mga tauhan upang mapanatili ang kalinisan sa lungsod, lalo na mga lugat malapit sa simbahan kung saan dagsa ang mga tao.

Ayon kay Lacuna, dahil ito ang kauna-unahang pagdiriwang ng Mahal na Araw kung saan inalis na ang karamihan ng COVID protocols, kaya inaasahan na dadagsain ng mga Katoliko ang napakaraming Simbahan upang manalangin at magsagawa ng iba pang nakaugaliang ritwal. At dahil dito ay mahalaga ang pagsasagawa ng maraming paghahanda sa bahagi ng local government unit.


Tiniyak ng alkalde na ang pamahalaang-lokal ng Maynila lungsod ay magtatalaga pa rin ng sapat na bilang ng tauhan upang matugunan ang mga pangangailangan ng mamamayan sa anumang okasyon gaya ng Mahal na Araw, sa kabila ng ito ay piyesta opisyal. (JERRY S. TAN)


Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like