Nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga magulang na pabisitahin ang kanilang mga anak sa public libraries ng lungsod. (JERRY S. TAN)

PAGGAMIT NG PUBLIC LIBRARIES, ITINUTULAK NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

HINIKAYAT ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga magulang sa lungsod na kumbinsihin ang kanilang mga anak na bisitahin ang public libraries ng lungsod, dahil mayroon pa rin umanong makikita at mababasa sa libro na wala sa internet.

Ginawa ni Lacuna ang panawagan kasabay ng pagbati niya sa Manila City Library (MCL) sa pamumuno ng direktor nitong si Mylene Villanueva, sa ika-77 taong anibersaryo ng MCL ngayong buwan, kung saan nakalinya ang mga gawain na nagtapos sa isang banal na misa.


“Para sa mga di nakakaalam, marami tayong libraries. Pilit nating pinatataas ang antas ng serbisyo na ibinibigay ng ating mga library, kung kaya’t dumarami po ang ating mga kliyente, mula bata hanggang matanda. Ngayon kasi digital generation na, karamihan ng pagri-research ay ginagawa na lang sa loob ng tahanan at ito ay sa tulong ng internet. Pero di parin matutumbasan ang pagbubukas ng aklat,” saad ng alkalde.

Idinagdag pa ni Lacuna na: “Marami pa rin po tayong mapupulot na aral pag tayo ay talagang nagbabasa, ‘yun dati po nating ginagawa. Mas nahahasa tayo. Di naman po lahat ng nababasa natin sa Google ay pawang katotohanan. Kadalasan, kulang-kulang o di kaya ay hindi totoo. Kaya hinihikayat ko ang lahat lalo na ‘yung me mga anak, na bisitahin n’yo po ang ating mga library sa buong Kamaynilaan.”

Tiniyak ni Lacuna na ang MCL ay patuloy na tutulong sa pagbibigay ng quality educational services upang mapataas ang antas ng kaalaman ng mga mag-aaral sa Maynila.


Napag-alaman na ang MCL ay tumanggap ng iba’t-ibang pagkilala sa national government nitong mga nakaraang taon at ang total library services na naibigay na ng MCL sa publiko ay umabot na ng 156,856.

Inulat ni Villanueva sa alkalde na ang nasabing bilang ay sumasakop sa buwan ng January hanggang September, at ito ay sa kabila nang ang limang branches ng library ay hindi nago-operate dahil under rehabilitation.


Ayon kay Villanueva, ang MCL ay nakapag-register ng kabuuang 61,269 library users.

Ang mga gumagamit naman ng computers ng library at wifi ay umabot sa 15,099 at ang mga nanghiram naman ng libro ay 21,762. Samantala, ang mga batang napagsilbihan ay 47,891 habang 425 naman ang senior citizens. Nabisita din ng MCL ang 167 barangays at 11 paaralan.


“ Dun po sa mga nagtatanong kung may nagpupunta sa Manila City Library, siguro po nasagot ko na kayo,” sabi pa ni Villanueva, kasabay ng pasasalamat nito sa suporta nina Lacuna, Vice Mayor Yul Servo, City Administrator Bernie Ang at Congressman Rolan Valeriano sa pagtulong sa library na makamit nito ang kanilang pangangailangan.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like