Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo na pinangunahan ang pagdirdiwang ng 'Pride Month' sa Maynila.

PAGDIRIWANG NG ‘PRIDE MONTH’ PARA SA LGBT COMMUNITY SA MAYNILA, PINANGUNAHAN NI MAYOR HONEY AT VM YUL

By: Jerry S. Tan

MISMONG sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang nanguna sa pagdiriwang ng Hunyo bilang ‘Pride Month’ sa lungsod ng Maynila, kasabay ng panawagan ng pagkakapantay-pantay at respeto sa lahat ng mga miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender and queer (LGBTQ+) community.

Ani Lacuna, ang nasabing okasyon ay layong magbigay ng tamang pagkilala at karangalan sa makulay na kasaysayan at lakas ng LGBTQ community sa pagharap sa mga pagsubok sa loob ng maraming taong nakalipas.


“Ngayong Hunyo, mas pinanghahalagahan natin ang pagsisikap ng ating mga kapatid na LGBTQIA+ sa kanilang laban sa pantay-pantay na karapatan na umibig at makasama ang kanilang minamahal ng walang panghuhusga mula sa batas at mula sa kung sinuman,” ayon kay Lacuna.

Anang alkalde, marami nang pagbabagong naganap mula noon nang ang mga miyembro ng LGBTQIA+ ay itinatago pa ang kanilang tunay na pagkatao dahil sa takot na mahusgahan.

“Ngayon, mas malakas na ang tinig at espasyo at mas matingkad na ang kulay ng ating pagkakakilanlan. Sa ating paglalakbay, alam ko na marami pa tayong kailangang baguhin, ituwid at ipaglaban para sa pangarap na isang pantay at ligtas na lipunan, kung saan ang pag-ibig ay para sa lahat. Patuloy tayong lalaban—para sa sarili at sa bawat isa,” pahayag ni Lacuna.


Ayon pa sa kanya, sa Maynila ay umiiral ang pagkakapantay-pantay ng lahat, anuman ang kasarian o katayuan sa buhay at naniniwala umano si Lacuna na ang lahat ay dapat na may pantay na karapatan at pagkakataon sa buhay.

Kaugnay ng okasyon ay sinabi ni Lacuna na sa Maynila ay dati na niyang hiniling sa mga barangay na magtalaga ng Gender And Development (GAD) Action Officers na tututok sa mga kababaihan at mga usaping nauukol sa LGBTQIA+ at tiyakin ang maayos na implementasyon ng Ordinance No. 8695 na ukol sa pagbibigay proteksyon sa mga miyembro ng LGBTQ community laban sa diskriminasyon.


Ang Manila Gender Sensitivity and Development Council naman ay naatasang lumikha ng LGBTQIA+ registry na katulad ng ginagawa ng local government sa kanilang mga residente na may mga kapansanan o persons with disability (PWDs) at senior citizens.

“Naniniwala ako bilang isang Ina na kahit sino ka pa, kahit ano ka pa, may puwang ka sa mundo, may silbi ka sa mundo. Basta’t ang pananaw natin sa buhay ay wala tayong tinatapakan, wala tayong pinagsasamantalahan, may paggalang tayo sa karapatan ng bawat isa at may pananagutan tayo sa malayang pamumuhay,” ani Lacuna.


Binigyang -diin ng alkalde na sa Manila City Hall, maraming puwesto ang pinamumunuan at magaling na pinangangasiwaan ng mga LGBTQ+ community members.

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read