Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa ginanap na wreath-laying ceremony sa Raha Sulayman Park sa Malate, Maynila. (JERRY S. TAN)

PAGDIRIWANG NG IKA-453 ‘ARAW NG MAYNILA,’ PINANGUNAHAN NINA MAYOR HONEY AT VM SERVO

By: Jerry S. Tan

MISMONG sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang nanguna sa mga city officials, employees at residente ng Maynila sa ginanap na pagdiriwang ng ika-453 ‘Araw ng Maynila’ na gumugunita sa anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod nitong Lunes, June 24 na idineklarang piyesta opisyal ng Malacanang.

Ilan sa mga opisyal na dumalo sa civic-military parade sa pagdiriwang ng “Araw ng Maynila’ nitong June 24 sina (mula kaliwa) Manila Police District Director Gen. Arnold Thomas Ibay, Congressman Ernix Dionisio (first district), Vice Mayor Yul Servo, Mayor Honey Lacuna, Congressman Edward Maceda (4th dist.), Congressman Irwin Tieng (5th dist.), Secretary to the Mayor Marlon Lacson, chief of staff Joshue Santiago at Miss Manila 2024 Aliya Rohilla. (JERRY S. TAN)

Ayon kay Lacuna, ang pamahalaang-lokal at mamamayan ng Maynila ay maraming dahilan upang ipagmalaki ang kanilang pagiging bahagi ng lungsod dahil sa tinamo nitong pag-unlad o progreso matapos ang pandemya.

Nagpasalamat ang alkalde sa lahat na nagbigay ng ambag upang maging matagumpay ang pagdiriwang, pati na rin ang mga aktibidad na inilatag patungo sa mismong araw ng anibersaryo ng pagkakatatag ng Maynila.

Muling pinasalamatan ni Lacuna ang mamamayan ng Maynila sa pagbibigay ng kanilang tiwala sa kanya upang maging kauna-unahang babeng alkalde ng lungsod sa pamamagitan ng ‘landslide victory’ na nangyari sa Maynila sa kauna-unahang pagkakataon.

Gayundin, muling nanawagan ng suporta si Lacuna sa lahat ng mga Manileño dahil aniya, tanging sa pamamagitan lamang ng pagkakaisa matatamo ng pamahalaang-lungsod ang adhikain nito patungo sa ‘Magnificent Manila in 2030.’

Nagpahayag din ng pasasalamat at papuri ang alkalde sa mga taxpayers na nagbabayad ng kanilang mga buwis sa takdang araw dahil ang kanilang ibinabayad ay malaking tulong umano upang mapondohan ang mga programa at proyekto na pinakikinabangan ng mga taga-lungsod, lalo na ng mahihirap.

Ttiniyak ni Lacuna na bilang ganti, siya at ang mga city officials na kanyang itinalaga ay mahusay at maingat na pinanganagsiwaan ang mga gastusin ng lungsod at tinitiyak na ito ay direktang nagpupunta sa taumbayan.

Ang selebrasyon ng ‘Araw ng Maynila’ ay nagsimula sa pamamagitan ng isang wreath-laying ceremony sa Rajah Sulayman , Malate ganap na alas- 7:30 a.m. na sinundan ng civic-military parade na nagsimula sa Dagonoy Street sa Onyx, San Andres, Maynila.

Pinasalamatan ni Lacuna ang mga motorista sa kanilang kooperasyon at pang-unawa kaugnay ng pagpapatupad ng temporary road closures simula 12 a.m. upang bigyang-daan ang nasabing parada.

You May Also Like

Most Read