Nagpahayag ng kumpiyansa si Manila Mayor Honey Lacuna na higit pang daragsain ng mga mananampalataya ngayon ang Quiapo Church matapos itong tuluyan nang maideklara bilang isang national shrine.
Ang national shrine ay isang Catholic Church o sagradong lugar na nakapasa sa mga requirements at binigyan ng karangalan ng national episcopal conference bilang pagkilala sa special cultural, historical, at religious significance.
Ayon kay Lacuna, isang ‘most welcome development’ para sa lungsod ng Maynila ang naturang deklarasyon bilang national shrine sa Quiapo Church, na siyang tahanan ng Poong Itim na Nazareno.
Anang alkalde, malaking tulong din ito sa lungsod at makakapagbigay pa ng inspirasyon sa mas maraming Katoliko na higit pang palalimin ang kanilang debosyon.
“We expect more people to be drawn to our very popular Quiapo Church, which had created a huge religious and cultural impact on the nation as a whole, even bridging the gap between societal classes particularly during the holding of the annual ‘Traslacion’, easily the most deeply-revered religious event in the country,” anang lady mayor.
Nabatid na personal ding dumalo ang alkalde sa banal na misa para sa deklarasyon sa simbahan ng Quiapo bilang isang national shrine nitong Lunes, mula sa pagiging archdiocesan shrine.
Si Msgr. Bernardo Patin, secretary-general Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), naman ang nagkaloob kay Quiapo Church rector Fr. Jun Sescon ng decree na kumikilala sa Simbahan ng Quiapo bilang national shrine.
Matatandaang kilala bilang Saint John the Baptist Parish, ang Quiapo Church, ay kinilala ni Pope John Paul II noong 1987 bilang Minor Basilica of the Black Nazarene dahil sa cultural impact ng pagiging relihiyosong Pinoy.
Naging bantog ito sa milyung-milyong deboto na dumadalo sa prusisyon ng Itim na Nazareno tuwing Enero 9.
Hulyo 2023 naman nang aprubahan ng CBCP ang kahilingan ni Manila Archbishop Jose Advincula na italaga bilang ika-29th na national shrine ng bansa ang Quiapo Church.
Ayon kay Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, hindi siya magtataka kung matapos lamang ang ilan taon ay maideklara na ring isang international shrine ang Quiapo Church.
Hinikayat rin niya ang mga mananampalataya na sama-samang manalangin upang magkaroon ito ng katuparan.