NAGPAHAYAG ng kasiyahan at pagmamalaki si Manila Mayor Honey Lacuna sa desisyon ng Commission on Elections (COMELEC) na ideklara bilang dominant majority party ang Asenso Manileno na kanyang pinamumunuan bilang Pangulo nito. Ang kanilang partido ay isa sa 14 lamang na lokal na partido na binigyan ng accreditation ng Comelec bilang dominant majority party para sa 2025 midterm polls.
“All of us on the Asenso Manileño slate for the May 2025 elections are joyful and proud of being accredited once more by the Commission on Elections.The enduring strength of Asenso Manileño as the ruling local political party here in Manila is proof of our collective commitment to community-oriented genuine public service,” ani Lacuna.
Ayon sa alkalde, sila ang kabaligtaran ng ‘personality cult’ na naka-sentro sa paligid ng dating mayor.
“Hindi kami kulto. Hindi kami ‘choice’ ng iisang ta lang. Mga Manileño ang pumili sa amin dahil sa paninindigan sa tamang prinsipyo” aniya, kasabay ng pahayag na ang kinakatawan nila ay ang mga residente ng Maynila.
Binigyang- diin ng alkalde na sila bilang nangungunang partido ay naniniwala sa public service bilang “inclusive, transparent and accountable” na inuuna ang tunay na solusyon kaysa sa dramang pulitika o ‘pakulo.’
Tiniyak din ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay pinapatakbo ng mandato ng mamamayan at hindi ng personal na ambisyon, at aniya, ang kanyang pamamalakad ay nagtataguyod ng “good governance, honesty and fairness,” na tinitiyak na ang lahat ng programa at proyekto ay direktang pakikinabangan ng mga Manileño.
“Hindi kami tau-tauhan ng isang laos na artista o politikang kulto. Lahat ng kandidato ng Asenso Manileño ay lingkod-bayan ng mga taga-Maynila at ang aming layunin ay maliwanag: Serbisyong diretso sa tao – Tapat at Totoo! ,” deklarasyon pa ng alkalde.
Matatandaang bago nito ay idineklara ng Comelec ang Lakas–Christian Muslim Democrats (CMD) na pinamumunuan ng Pangulo nitong si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez bilang dominant majority party para sa 2025 National and Local Elections (NLE).
Nito lamang Agosto ng nakaraang taon ay pinanumpa mismo ni Romualdez si Lacuna bilang bagong miyembro ng partido.
Lima sa anim na congressmen, na sina Rep. Joel R. Chua, Rep. Bienvenido Abante, Jr, Rep. Rolando Valeriano, Rep. Irwin Tieng at Rep. Edward Maceda, ang tumayong saksi kasama ni Vice Mayor Yul Servo.
Dumalo din sa simpleng seremonya sa Social Hall ng Speaker’s Office sa House of Representatives ang mga Asenso Manileño councilors kung saan sinabi ni Lacuna na sumapi siya dahil pareho umano ang party principles at plataporma ng partido at kanyang administrasyon at tiyak umanong magiging kapaki-pakinabang ito sa mga taga-Maynila.
Mainit na tinanggap ni Romualdez si Lacuna sa Lakas-CMD, at sinabing ikinararangal ng partido na maging bahagi ang alkalde ng kanilang grupo dahil tiyak na makapag-aambag ito sa mga prinsipyo at layunun ng partido upang higit pang palakasin ang kanilang dedikasyon sa pagsisilbi sa taumbayan.
Binanggit din ni Romualdez ang liderato, karanasan at katapatan ni Lacuna sa paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan at ito aniya ay. malaki ang maitutulong sa sama-samang pagkilos upang suportahan ang “Agenda for Prosperity” ni President Ferdinand R. Marcos, Jr. at ang kanyang mga plano para sa ‘Bagong Pilipinas.’
Si Lacuna ay gumawa ng kasaysayan bilang kauna-unahang babaeng alkalde ng Maynila noong 2022, kung saan nanalo ito nang may napakalaking kalamangan sa kanyang mga katunggali na nabibilang sa malalaking angkan na kilala sa larangan ng pulitika sa lungsod.
Pinangunahan din ni Lacuna ang mga kandidato ng Asenso Manileño nang makuha nila ang lahat ng puwestong pinaglalabanan sa halalan mula mayor, vice mayor, Congressmen at city councilors.