Latest News

Nanawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal at kawani ng Manila City Hall na dakilain ang watawat sa pamamagitan ng tuwid na serbisyo publiko. (JERRY S. TAN)

PAGDAKILA SA WATAWAT, IPAKITA SA TUWID NA SERBISYO—MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Hindi lamang tuwing National Flag Day o tuwing flagraising ceremony dapat na isapuso ang paggalang sa watawat ng bansa, kundi araw-araw lalong-lalo na para sa mga nasa serbisyo-publiko .

Sa kanyang maiksing mensahe sa ginanap na flagraising ceremony, sinabi ni Manila Mayor Honey Lacuna na nakikiisa ang Maynila sa bansa sa pagdiriwang ng National Flag Day mula May 28 hanggang June 12, 2023, kasabay ng panawagan sa mga taga-lungsod na isapuso ang paggalang sa watawat ng bansa sa lahat ng oras.

“Siguro naman, alam nyo na dahil linggo-linggo ay nagpupugay tayo sa ating watawat, dahil ang ating watawat ang simbolo ng ating bansa. Kaya marapat lamang po na ang pagbibigay-halaga sa ating watawat ay hindi lamang tuwing lunes. Ito po ay ating isabuhay sa isip, sa salita at sa gawa,” ani Lacuna.


Hinikayat din niya ang mga city officials at empleyado na naglilingkod sa Manila City Hall na ituring ang bagong linggo bilang bagong opurtunidad para makapagbigay ng pinakamahusay na serbisyo sa publiko sa abot ng kanilang makakaya.

“Panibagong linggo, panibagong pagkakataon para magbigay tayo ng isang tapat at tuwid na paglilingkod. Ito po ay ang ating paraan upang makapagbigay tayo ng paggalang sa ating watawat,” ayon sa alkalde.


“Sana po sa ating paglilingkod, lagi nating isapuso ang ating pagbibigay-serbisyo nang sa gayon, maramdaman naman ng ating mga kababayang Manilenyo ang ating tunay na pagkalinga sa kanila,” dagdag pa nito.

Samantala, sa nasabi ring okasyon ay binati at pinuri ni Lacuna ang officials at staff ng Ospital ng Tondo (OsTon) sa kanilang founding anniversary.


Kasabay niyan ay ginunita rin ni Lacuna, na isa ring doktora, na dalawang taon siyang nagsilbi sa naturang ospital bago siya pumalaot sa pulitika bilang isang konsehal.

“Hindi po magtatagal ang isang ospital kung di maganda ang paglilingkod. Maaring maliit lamang ang ospital pero de kalidad ang serbisyo,” ayon kay Lacuna, nang papurihan nito ang nasabing ospital.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read