Inuumpisahan na ng lokal na pamahalaan ang pag-preserve kay Mali, ang nag-iisang elepante sa Pilipinas na sumakabilang-buhay na kamakailan.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna ay nagkumpirma na inatasan na niya si City Administrator Bernie Ang upang makipagpulong sa mga taong magsasagawa ng nasabing preserbasyon, kabilang na si Parks and Recreation Bureau chief Roland Marino at zoo veterinarian Dr. Chip Domingo.

Ayon kay Lacuna, layunin nitong maplantsa na ang mga kinakailangan at iba pang detalye ng preserbasyon.
Aniya, alinsunod sa plano, kailangang gawin ang taxidermy o ang proseso para mai-preserba ang balat ni Mali pati na ang kalansay o mga buto nito.
Sa sandali aniyang matapos ang proseso ay ilalagay ang preserved na Mali sa isang museo, upang makita pa rin ng mga bisita na pareho lamang sa kanyang anyo noong nabubuhay pa ito.
Anang alkalde, walang makakapalit kay Mali, na sa loob ng ilang dekada, ay siyang nagsisilbing ‘star attraction’ sa Manila Zoological and Botanical Garden o Manila Zoo.
Dahil dito, aniya, ay may kani-kaniyang kwento ang mga Manilenyo sa kanilang karanasan kay Mali.
“Mali is irreplaceable. I’m sure that just like me who grew up looking forward to see Mali when visiting the zoo, everyone has a special place in their hearts for her. This is why we want to perpetuate her memory by preserving her,” pahayag pa ni Lacuna.
“Alam nyo naman po, prized possession namin si Mali, siya po ang star attraction dito sa Manila Zoo so nagsisimula na kaming magkaroon ng talks with the experts kung paano magagawang mai-preserve si Mali at mailagay siya sa museum natin dito,” dagdag pa ng alkalde.
Matatandaang si Mali ay una nang pumanaw noong Martes ng hapon matapos na umabot sa kanyang maximum life span para sa Asian elephants.
Sa ulat ni Domingo kay Lacuna, nabatid na si Mali ay na-diagnos na maraming tumor na nakaapekto sa ilang organs nito.
Nagdulot umano ito ng sobrang pressure sa kanyang katawan at puso na hindi na kinayang mag-pump ng sapat na dugo upang manatili siyang buhay.
Nalagpasan na rin naman aniya ni Mali ang kanyang maximum life span na 40 hanggang 45-taong gulang, dahil siya ay namatay sa edad na 50.
Ayon pa kay Lacuna, batay sa mga rekord, ang pag-aaruga at pangangalaga kay Mali ay ipinaubaya noong 1981 ni dating Pang. Ferdinand Marcos sa city government ng Maynila na nasa ilalim noon ni dating Mayor Ramon Bagatsing.
Nakipag-usap na din ang city government sa pamahalaan ng Sri Lanka upang ipaalam sa kanila na namatay na si Mali.
Umaasa rin ang pamahalaang lungsod na ikokonsidera ng Sri Lanka ang muling pagttitiwala sa lungsod na mapangalaan ang isang panibagong elepante.
Aniya, ipinaalam na ng Manila ang pagpanaw ni Mali” “in the hope that they find it in their heart to entrust another elephant in our care.”














