NANANAWAGAN si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng senior citizens sa lungsod ng Manila na iwasang baguhin ang kanilang mga senior identification cards upang hindi magkaroon ng anumang problema kapag ito ay pinapakita para sa kung anumang diskwento sa mga establisimiyento, kasabay ng pag-anunsyo na ang kasalukuyang bilang ng senior citizens sa lungsod ay pumalo na sa 206,000.
Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna matapos na iparating sa kanya ng hepe ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA) na si Atty. Elinor Jacinto, na nakatanggap umano ang kanyang tanggapan ng impormasyon mula sa ilang establishments na may mga senior citizen umano na nagpapakita ng kanilang IDs na ‘reproduced’ o ‘scanned copies’ lamang ng original IDs, dahilan upang magdala ng duda na posibleng peke ang mga nasabing IDs.
Binigyang- diin ng alkalde na ang pamemeke ng senior IDs ay illegal at ang ‘reproduction’ naman ng original IDs ay ‘di rin pinapayagan ng pamahalaang-lokal,gaya ng kung ito ay babaguhin para gawin itong maliit.
Hinimok naman ni Lacuna ang mga senior citizens na samantalahin ang OSCA services tuwing may ‘Kalinga sa Maynila’ na direktang nagpupunta sa mga barangay, kung saan may stall ang OSCA para asikasuhin ang mga pangangailangan ng senior citizens gaya ng pag-proseso ng mga bagong applications, renewal ng IDs at mga request para sa bagong purchase booklets at iba pa. Mayroon ding libreng lamination ng mga ID upang ‘di ito agad masira.
Samantala, binigyang- linaw ni Jacinto na ang batas na nilagdaan ni President Ferdinand Marcos, Jr. na nagbibigay ng karagdagang cash benefits na P10,000 sa bawat senior citizens na umaabot ng edad 80, 85, 90 at 95 ay ‘di pa epektibo at ito ay uumpisahan sa sysynod na taon pa.
Ayon kay Jacinto, ang nasabing benepisyo ay magmumula sa national government at hinihintay na lamang ng pamahalaang- lungsod ng Maynila ang implementing rules and regulations para sa distribusyon ng nasabing senior benefits.
Sa bahagi ng lokal na pamahalaan ng Maynila, sinabi ni Lacuna na ang kanyang administrasyon ay patuloy sa pamimigay ng P100,000 cash incentive para sa senior citizens na umaabot na sa 100 taon ang edad at siya mismo ang personal na nagde-deliver nito sa tahanan ng mga centenarians.














