BAGONG pag-asa para sa mga may sakit na cancer at nagpapa-dialysis.
Ito, ayon sa tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna na si Atty. Princess Abante, ang dala ng alkalde sa mga maysakit tuwing nagsasagawa siya ng kanyang ‘door-to-door doktora’ program bilang bahagi ng kanyang ‘Kalinga sa Maynila’ fora na ginagawa sa mga barangay upang mailapit sa mga tao ang serbisyo ng City Hall.
Sinabi ni Abante na para sa alkalde, hindi mababayaran ang mga ngiti at luha ng kaligayahan na nagmumula sa mga pasyente na kanyang dinadalaw upang matulungan, lalo na ang mga ‘bedridden’ at mga senior citizens.
Idinagdag pa ni Abante na sa pamamagitan ng nasabing programa kung saan dinadalaw ni Lacuna ang maximum na 10 kataong maysakit sa barangay kung saan ginanap ang forum, ang alkalde ay nagagawang makilala nang personal ang mga pasyente para malaman ang kanilang pangangailangan at na maaring matugunan ng pamahalaang-lokal.
“No amount of smear campaign will discourage the mayor from continuing what she had been doing. The fact that there are attempts to dissuade the mayor from pushing through with her programs only goes to prove that we are doing the right thing,” ani Abante.
Walang hanggang pasasalamat at tuwa umano ang ibinibigay ng mga residenteng nadadalaw ni Lacuna, lalupa’t ang alkalde mismo ang personal na tumutulong sa kanila at nagtutungo sa kanilang tahanan.
Minsang nang pinamunuan ni Lacuna ang social welfare department ng Manila City Hall, dahilan upang ito ay maging bihasa na sa lahat ng pangangailangan ng bawat sektor sa Maynila, lalo na ang mga walang-wala sa buhay at may karamdaman pa.














