Nananawagan si Mayor Honey Lacuna sa mga magulang na pabakunahan na ang kanilang mga anak para sa kanilang proteksyon ngayong Kapaskuhan. (JERRY S TAN)

Pabakunahan ang mga anak para proteksyon sa Kapaskuhan — Mayor Honey

Ipinanawagan ni Manila Mayor Honey Lacuna sa lahat ng mga magulang at guardians sa lungsod na pabakunahan na ang kanilang mga anak bilang proteksyon ngayong panahon ng Kapaskuhan.

Ito, aniya, ay dahil sa ang bilang ng mga batang nabibilang sa lima hanggang 11 na nabakunahan na ay napakababa at ito ay hindi gaya ng inaasahan.


Umabot lamang umano sa 153,810 ang bilang ng kabataang nasa nasabing age group na nabakunahan batay sa pinakahuling dalawang-linggong talaan ng bakunahan kumpara sa kabuuang bilang ng bakuna na naibigay naman sa mga kabataan na edad 12 hanggang 17 na umabot ng 315,421.

“If you wll notice, mababa ang vaccination rate sa 15 to 11 years old kaya hinihikayat ko ang mga magulang, kung gusto n’yong ipasyal ang inyong mga tsikiting lalo na dahil magpa-Pasko, ibili sila ng bagong damit, sapatos at regalo, pabakunaham nuna natin sila nang sa gayun, kahit kayo mamasyal nang mamasyal, alam nating me proteksyon sila kahit paano sa COVID-19,” pahayag ni Lacuna, na isa ring doktora.

Lumalabas umano na maganda ang bilang ng mga adults na nagpabakuna sa kauna-unahang pagkakataon.


Nito lamang November 25 ay mayroon umanong 452 indibidwal ang nagpabakuna ng kanilang first dose pa lamang at ang bilang naman umano ng mga nakatatandang nagpaturok ng kanilang booster ay tumaas na rin sa ngayon.

Napag-alaman na ang kabuuang bilang ng bakuna na naiturok ng pamahalaang- lungsod ay umabot na sa 3.8 milyon at ito umano ay napakataas para sa lungsod na ang populasyon ay dalawang milyon lamang.


Kaugnay nito ay muling nanawagan si Lacuna sa mga residente na ipagpatuloy ang pagtalima sa minimum health protocols dahil na rin sa papataas na bilang ng COVID cases sa Maynila sa mga nagdaang araw.

“Sayang dahil napababa na natin ito dati. So,ibayong pag-iingat lang po,” panghihinayang ni Lacuna. (JERRY S. TAN)


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read