MAY P48 million pondo ng Maynila na para sa buwanang allowance ng may 8,000 senior citizens sa Maynila ang nananatiling nasa PayMaya bunga ng kasunduang pinasok ni dating Mayor Isko Moreno.
Ito ang ibinulgar ni Mayor Honey Lacuna, kasabay ng panawagan kay Moreno na sana ay ‘wag nang gamiting palusot ang mga seniors sa muling pagtakbo at tigilan na ang panloloko sa kanil.
Ang nasabing P48 million ay katumbas umano ng allowances ng 8,000 senior citizens sa P6,000 kada taon at aniya, ang PayMaya system kung saan kinukuha ng mga senior citizens ang kanilang monthly allowance ay ipinatutupad ni dating Mayor Isko Moreno, noong mayor pa siya.
“Noong panahon po niya idinaan po ang mga allowances ng senior citizens natin through PayMaya. Napakarami pong mga reklamo sa akin na wala naman silang nawi-withdraw doon sa pondo. In fact, hanggang ngayon, meron kaming nakabinbin na around P48 million na nasa PayMaya pa rin. Hanggang ngayon nagkakaroon kami ng kasuhan ng PayMaya dahil hindi namin ma-retrieve yung pera. Nagko-contest po sila dahil nakuha na daw ng mga seniors,” ayon kay Lacuna.
Ani Lacuna, kasalukuyang nag-uusap ang pamahalaang-lungsod at ang Paymaya kaugnay ng kanilang magkasalungat posisyon.
Dala ng napakaraming reklamo ng mga senior citizens ukol sa mga problemang kanilang nararanasan sa paggamit ng PayMaya, sinabi ni Lacuna na kinailangang tumugon ng lungsod sa problemang ito kaya naman ipinagkatiwala nila samga barangay ang pamimigay ng buwanang ayuda sa seniors, sa kahilingan na rin nila mismo.
“Marami sa kanila, hindi nakapag-withdraw. Anong ginawa ko, ibinaba ko sa mga barangay yung kanilang allowances. Pinagkatiwala ko sa mga barangay officials yung allowances ng seniors,” sabi ni Lacuna .
Ayon pa kay Lacuna, kinailangang linisin ng City Hall ang listahan ng seniors sa OSCA dahil ang ibang nasa listahan ay hindi na residente ng Maynila o di kaya ay pumanaw na, at hindi rin umano maaring ilipat ang allowance sa dependents o kaanak ng mga seniors.
Sinabi ni Lacuna na ang arrangement sa PayMaya ay maihahalintulad sa isang palpak na eksperimento, dahil hindi binigyang konsiderasyon ni Moreno na maraming seniors ang hindi pamilyar sa sa paggamit ng mga ATM.
“Ginawa nyang komplikado ang paghahatid ng serbisyo sa mga seniors. Dahil mas kilala natin ang ating mga senior citizens, alam nating mas effective ang direct cash payouts. Alam din nating mapagkakatiwalaan ang OSCA at ang mga barangay sa pondong para sa seniors. Sapat ang ating mga precautions and accounting measures. Mula nang malinis natin ang listahan, mas nakakatiyak na tayong ang pondo ng Maynila ay napupunta sa mga totoong taga-Maynila,” ayon pa kay Lacuna .
Samantala,pinabulaaanan ni OSCA chief Elinor Jacinto ang pahayag ni Moreno na ang mga allowances na ‘di nakuha ng mga senior citizens sa kanilang barangay sa itinakdang araw ay nagiging ‘forfeited’ na o di na makukuha pa.
Sinabi ni Jacinto na sa ilalim ng bagong sistema na ginawa ni Lacuna, makukuha ng senior citizens ang kanilang allowances mula sa kanilang barangay sa loob ng isang linggo. Makalipas ang isang linggo ay maaari pa rin silang humingi ng tulong sa kanilang barangay para bigyan sila ng rekomendasyon upang makuha nila ang kanilang ‘di nakuhang allowances sa loob naman ng karagdagang limang araw.
Ani Jacinto, ang mga allowance ng mga ‘bedridden’ o hindi na makakilos dala ng sakit ay nakakakuha pa rin ng allowance dahil dinadala ito ng mga barangay officials mismo sa kani-kanilang tahanan.