Latest News

Gaya ng lahat ng kanyang binibisita bilang bahagi ng pangangampanya, nagkakagulo sa larawan ang mga tao sa pagpapa-selfie kay Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno sa Negros Occidental kung saan nagbabala ito na mababalewala ang P200-bilyong utang ng Marcos family sa gobyerno kapag Marcos din ang uupo sa darating na halalan sa Mayo. (TSJ)

P200B utang ng Marcos, mababalewala pag nanalo si Bongbong, babala ni Isko… Demand letter sa Marcos heirs, kinumpirma ng BIR

KINUMPIRMA ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa Aksyon Demokratiko na nagpadala ito ng “demand letter” sa mga tagapagmana ng mga Marcos, kaugnay sa dapat gawing pagbabayad ng kanilang pagkakautang sa estate tax na nagkakahalaga ng P203.819 billion.

Sa isang liham na nakapangalan kay Aksyon Demokratiko Chairman Ernesto Ramel Jr., sinabi ni BIR Commissioner Ceasar Dulay na: “(the BIR) did send a written demand to the Marcos heirs on December 02, 2021 regarding their tax liabilities.”

Ang liham ni Dulay na may petsang March 14 ay natanggap araw ng Martes sa Campaign Headquarters ng Isko Moreno Domagoso for President sa Intramuros, Manila.

Pinasalamatan ni Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno sa kanyang sorties sa Silay City, Negros Occidental si Commissioner Dulay dahil sa ginampanan nito ang kanyang tungkulin sa pagpapadala ng demand letter sa Marcos heirs, dahil sa kabiguan ng mga itong bayaran ang utang na P203-B estate tax sa gobyerno ng Pilipinas.

“We have received the copy of the letter of Commissioner (Cesar) Dulay of BIR na sinulatan sila noong December 2, 2021, na sinisingil ang buwis ng pamilya Marcos sapagkat ito raw ay marapat lamang na mapunta na sa gobyerno, So, I’m very happy that Commissioner Dulay wrote them a demand letter for them to pay. Sana makuha natin,” pahayag ni Moreno sa mga reporters sa Silay Plaza matapos ang sandaling break sa motorcade.

Binigyang-diin ni Moreno na habang ginampanan ng kasalukuyang BIR commissioner noong Disyembre ang kanyang tungkulin, may posibilidad aniya na ang pagkakautang na P203-B sa estate tax ng mga Marcos heirs ay hindi na masisingil at tuluyan na itong mababalewala kung sakaling mananalo sa pagka-Pangulo ang panibagong Marcos sa Mayo.

“Now, there is a challenge. May isang rule that we checked na after five years at hindi sinulatan uli, magpre-prescribe, mawe-waive lahat yon. Now, if that is the case, today is 2022, kapag na-elect ang pamilya na yon at sila magpapatakbo ng gobyerno ng anim na taon, maba-balewala na yong P200 billion,” babala ni Moreno.

Ipinangako ni Moreno na kapag siya na ang presidente ng bansa ay titiyakin niya na ang P203-B Marcos tax liability na mako-kolekta ay gagamitin niya sa lahat ng mga Pilipinong naapektuhan ng COVID-19 pandemic at sila ay tutulungang makaahon sa kanilang kahirapang dinaranas hanggang tuluyan nang makabangon ang ekonomiya ng bansa.

“Kaya hopefully, masingil natin ito, at hindi lang patungkol sa kanila, kumbaga ay sa pangkalahatan. It’s just that P200 billion, pera na ng taong bayan yon. Kung ako sa kanila, tutal marami naman silang pera, malaking bagay ito para makatulong sa ating mga kababayan. Sana ikusa na nila, huwag ng humanap ng ways on how to circumvent, o paano mapalusutan yung mga batas na umiiral sa pagbu-buwis,” sabi ni Moreno.

“Kung talagang mahal natin ang Pilipino, ang pinakamabisa, ibigay na natin itong P200 billion na ito ng mapakinabangan ng tao. kasi paglilingkod lang din naman ang pinag-uusapan natin, ito ang magandang paglilingkod,” ayon pa dito.

Sinabi ni Moreno na napakalaking halaga ng P203 billion at plano niya itong gamitin bilang “ayuda” o cash assistance sa mga ordinaryong mga Pinoy na nawalan ng trabaho at ngayon ay hilahod sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo na naging dahilan din ng pagtaas ng kuryente at mga pangunahing bilihin.

“Tingnan niyo yung kuryente, babawasan ko yung presyo ng kuryente. Babawasan ko yung presyo ng krudo. Malulugi nga ang gobyerno pero yung lugi ng gobyerno ay kapakinabangan ng tao. Ngayon, saan ko kukunin yoong nawalang portion ng gobyerno? Sisingilin natin ng buwis ang lahat ng tao na hindi nagbabayad ng buwis. Kasi that’s P200 billion. Yung P200 billion, e malaking bagay yon sa katayuan natin ngayon,” paliwanag ni Moreno.

Sinabi pa ng 47- anyos na presidential candidate na kasuklam-suklam malaman na habang ang general population ay nagbabayad ng kanilang buwis, mayroon namang mayayamang angkan ang hindi nagbabayad ng kanilang obligasyon sa gobyerno.

“Ang nakakalungkot, lahat tayo halos, yung general population, ay nagbabayad ng buwis. Yung mga call center agents nga e, buwis-buhay sa puyat yon e, nagbabayad ng buwis. I think the sauce for the goose is sauce for the gander. Ibig sabihin, dapat may certainty,” sabi ni Moreno.

Noong Marso 7, sinulatan ni Ramel ang BIR chief upang magtanong kung may panibagong “demand letter” sa mga Marcos heirs para magbayad ng kanilang pagkakautang sa estate tax.

“The BIR, which you now head, must renew written demands on the Marcos heirs to pay these tax liabilities once every five years, otherwise they prescribe and become uncollectable. Past administrations under Presidents Ramos, Arroyo and Aquino have faithfully issued such written demands,” saad ni Ramel.

Sa pareho ding liham noong March 7, binigyang-diin ni Ramel na ang dating President Ferdinand Marcos Sr. na namatay noong Sept. 29, 1989, may 32 taon na ang nakakaraan at, “his heirs did not file the estate tax return with the BIR as required by law. Neither did they pay any estate tax.”

Sinabi ni Ramel na hindi binigyang-pansin ng mga Marcos heirs ang lahat ng notice na ipinadala ng BIR. Si Marcos Jr. ay nag-file ng petition sa Court of Appeals, na humihiling na i-dismiss ang petisyon noong June 5,1999 sa dahilang ang estate tax assessment ng BIR (na nagkakahalaga ng P23,293,607,638) ay pinal na at hindi na maaaring iapela. Kinatigan naman ng Korte Suprema ang desisyon ng Court of Appeals.

Nauna rito ay sinabi ni Ramel na ang pag-iwas ng pamilya Marcos na magbayad ng estate tax ay maliwanag na pagpapakita ng “abuse of power, disregard for the laws enforced by the government and lack of respect to citizens who religiously pay their taxes imposed on them.”

Nito ring Lunes ay itinanggi ng Presidential Commission on Good Government ang pahayag ng spokesman ni former Sen. Ferdinand Marcos Jr. na ang usapin sa P203 billion tax pagkakautang mg mga Marcos heirs ay nasa ilalim na ng pag-uusap sa pagitan ng PCGG at BIR.

Ginawa ng PCGG ang pahayag sa liham bilang tugon kay Ramel, na noong March 9 ay lumiham kay PCGG Chairman John A. Agbayani para humingi ng paglilinaw ukol sa sinabi ni Atty. Vic Rodriguez, spokesman ni Marcos Jr., na umano’y may kasunduan sa pagitan ng BIR at ng PCGG kaugnay sa hindi nababayarang pagkakautang na P203-billion estate tax ng Marcos family.

Sinabi ni Ramel na ang pagtanggi ng PCGG sa pahayag ni Atty. Rodriguez ay panibagong katibayan na ang kampo ni Marcos ay nagsinungaling na naman, katulad ng kadalasan nitong ginagawa sa maraming usapin sa kanilang pamilya, kabilang na ang ill-gotten wealth. (IMM)

Tags:

You May Also Like

Most Read