Latest News

Sina (kanan) Manila City Administrator Bernie Ang at Congressman Rolan Valeriano (2nd district) na kapwa pinabulaanan ang sinasabi ni ex-mayor Isko Moreno na sa COVID ginamit ang inutang nitong P17-billion. (JERRY S. TAN)

P17-B UTANG, HINDI TOTOONG SA COVID GINAMIT GAYA NG SABI NI ISKO — CITY AD ANG, CONG. VALERIANO

By: Jerry S. Tan

SA magkahiwalay na pahayag ay kapwa pinabulaanan nina Manila City Administrator Bernie Ang at Congressman Rolan Valeriano (2nd district, Manila) bilang isa na namang kasinungalingan ang naunang pahayg ni ex-mayor Isko Moreno na ginamit sa ‘COVID response’ ang mahigit na P17 billion na iniwan niyang utang sa lungsod.

Ayon kay Ang, hindi sana pinayagan ng bangko ang ganoong klase ng utang dahil may nire-require silang partikular na mga detalye kung paano gagamitin ang perang inuutang at ang ibinigay na dahilan ni Moreno sa pag-utang ay infra.

Idinagdag pa ni Ang na ‘COVID response’ ang siyang ginamit na ‘justitication’ o rason ni Moreno sa Commission on Audit (COA) nang ibenta ang ilang ari-arian gaya ng Divisoria Public Market na isang ‘patrimonial property’ ng lungsod na matatagpuan sa Binondo.


Sa kanyang banda ay sinabi naman ni Valeriano: “May palusot si Isko na kaya raw siya nangutang ng bilyun-bilyon ay para daw sa COVID response. Kasinungalingan! Heto ang totoo: Pinirmahan niya ang loans WALA PANG COVID.”

Upang patotohanan ang kanyang mga sinabi, naglabas din si Valeriano ng mga ‘link’ ng news reports kung saan nakasaad na umutang si Moreno sa Landbank of the Philippines at sa Development Bank of the Philippines.

Sa unang link na (https://www.landbank.com/news/landbank-city-of-manila-city-sign-p10-b-loan-to-finance-development-projects) ay ipinapakita si Moreno kasama ang mga kinatawan ng LBP, matapos lagdaan ang P10-billion loan agreement noong November 11, 2019.

Samantala, ang ikalawang link na, (https://www.dbp.ph/newsroom/dbp-grants-p5-b-loan-to-city-government-of-manila/), ay ipinapakita naman ang istorya na may petsang January 30,2020 kung saan kasama niy Moreno ang mga DBP officials nang lagdaan niya ang P5 billion loan agreement para sa loob ng limang taon.


Ayon kay Valeriano, ang dalawang naturang loan ay para sa iba’t-ibang infrastructure projects tulad ng Manila Skydeck, expansion ng Ospital ng Maynila, paaralan, redevelopment ng Manila Zoo, at pagbili ng mga kagamitan para sa mga proyekto at iba pa.

Batay sa mga petsa kung kelan nangutang si Moreno sa DBP at LBP, maliwang umano na hindi maituturing na sa COVID response ginamit ang inutang dahil pre-pandemic naganap ang pangungutang o bago ang pandemya.

Binigyang-diin ni Valeriano na November 2019 at January 2020 nangyari ang pirmahan ng loans sa mga bangko samantalang March 11, 2020 na nang nagdeklara ang World Health Organization (WHO) na isang pandemic na ang COVID.

“Paano mangyayaring pang-COVID ‘yun, eh samantalang pinirmahan yung mga loan agreements na yun, ni wala pa ngang COVID sa Pilipinas? Saka nakasaad sa loan agreements na ang proceeds nun ay para sa infra! O di ba lantarang kasinungalingan?” ani Valeriano.


“Heto ang katotohanan: Ni singkong duling walang ibinayad si Isko sa mga utang na iyon. Lahat ng pagbabayad (amortization) Lacuna administration ang umako. Kaya lahat ng pending na Housing projects, administrasyon ni Mayora Honey ang nagbayad,” dagdag pa nito.

“Ganito po yan: Alam ni Isko na kapag natalo siya sa Maynila sa 2025, lalong malulusaw ang ambisyon niyang maging Presidente sa 2028. Kaya ganyan na lang kadesperado si Isko na makabalik sa City Hall ng Maynila, sa Capital ng Pilipinas. Kaya lahat ng klase ng pang-uuto at pang-gagago sa botante gagawin niya,” matapang na saad ni Valeriano.

Sa anim na Congressman sa Maynila, lima ang nanatiling tapat kay Lacuna at Isa dito si Valeriano.

Tags: City Administrator Bernie Ang, Congressman Rolan Valeriano

You May Also Like

Most Read