Pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang paglulunsad ng orientation para sa mga barangay leaders sa Maynila bilang tourism officers ng lungsod.
Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo at Liga ng Barangay President and Councilor Lei Lacuna, Councilor Lou Veloso at tourism chief ng Maynila na si Charlie Dungo sa nagurang paglulunsad ng Barangay Tourism Officers Orientation-Seminar sa San Andres Sports Complex, na may temang, “?Turismo at Barangayan Tungo sa Maringal na Maynila.”
Ani Lacuna, ang naturang orientation ay resulta ng ordinansang ipinasa ng konseho na nagbibigay mandato sa lahat ng barangay sa lungsod para lumikha ng kanilang sariling barangay tourism committees.
Iniakda ni Councilor Lacuna ang naturang ordinansa at ipinasa ng Manila City Council sa ilalim ni Presiding Officer Servo sa layuning himukin ang mga turista at mamumuhunan na dayuhin ang Maynila.
Anang alkalde, agad niyang nilagdaan ang nasabing hakbang upang maging lokal na batas dahil para sa kanya, mahalaga ang turismo para sa ekonomiya at lahat umano ng posibleng gawin ay gagawin ng kanyang administrasyon upang maitampok ang lahat ng maiaalok ng lungsod pagdating sa mga tourist attractions habang pinapanatili ang mga tradisyon, kasaysayan, kultural at sining.
Samantala ay nanawagan ang alkalde sa lahat ng barangay leaders na gamitin ang pagkakataon na lumikha ng kamalayan sa mga Manileño ukol sa kasaysayan ng lungsod kung saan sila naninirahan.
“Malaki ang paniniwala ko sa magiging tulong ng barangay sa pagsulong ng ating industriya ng turismo. Mas kabisado ninyo ang inyong komunidad. Higit ang inyong kaalaman sa mga kayamanang sining at makulay na kasaysayan ng inyong mga barangay. Batid ninyo ang talento ng inyong mga nasasakupan. Sa inyong palagiang pakikisalamuha sa inyong mga kabrangay, marami kayong matutuklasan na may potensyal sa pagpapa-unlad at pagpapasigla ng turismo sa inyong mga lugar,” pahayag ng alkalde.
Aniya, ang ordinansa ay nagbibigay ng kapangyarihan sa mga barangay na gamitin ang kakaibang katangian ng kanilang nasasakupang lugar bilang bentahe sa pag-promote ng turismo.
“Ang isang simpleng karinderya na pinupuntahan ng mga tao, mga lumang bahay na taglay pa din ang kanyang kagandahan, mga ritwal o tradisyon na sa inyo lamang barangay ginagawa, anomang bagay, lugar, tao, pagdiriwang, ang lahat ng ito ay posibleng maging destinasyon ng mga turistang lokal man o dayuhan,” paliwanag pa nito.
“Sa mga lugar na nasasakupan ng inyong mga barangay na dati nang dinarayo, magiging bahagi na rin kayo ng pagpapanatili ng kagandahan at kaayusan niyon upang siguraduhin na ito ay mapapakinabangan din ng mga darating pang mga henerasyon,” dagdag pa ng alkalde.
Tiniyak ni Mayor Honey na ang pamahalaang-lungsod, sa pamamagitan ng Department of Tourism, Culture and the Arts -Manila or DTCAM sa ilalim ni Charlie Dungo, ay gagabay sa mga barangay authorities upang maging magaling na tourism officers.
Ayon sa alkalde, ito ang simula ng mas malalim na samahan sa pagitan ng city government at baranga, para sa iisang layunin na gawing ‘top tourist destination’ ang Maynila sa bansa, dahil kapag ang lahat ay sama-samang nagtrabaho, walang imposible sa lungsod.