Inatasan ni Mayor Honey Lacuna si MDRRMO chief Arnel Angeles (kanan ni Lacuna) na pangasiwaan ang 'Oplan Libreng Sakay' sa gitna ng transport strike. Kasama sa kanilang pulong sina MTPB chief Dennis Viaje (nakaupo, kaliwa) at sina (nakatayo, mula kanan) mayor's chief of staff Joshue Santiago, MTPB deputy for operations Wilson Chan at Kenneth Amurao, adviser ng department of public services. (JERRY S. TAN)

‘OPLAN LIBRENG SAKAY,’ INIUTOS NI MAYOR HONEY SA MAYNILA SA GITNA NG TRANSPORT STRIKE

By: Jerry S. Tan

IPINAKASA ni Manila Mayor Honey Lacuna ang isang programa para tulungan ang mga maii-stranded na commuters sa Maynila, sa gitna ng tigil -pasada na isinagawa ng ilang transport groups sa bansa.

Inatasan ni Lacuna si Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) head Arnel Angeles upang pangasiwaan ang ‘Oplan Libreng Sakay’ na inilunsad sa lungsod upang tulungan ang mga commuters na maaring maapektuhan ng strike.


Personal na nagpatawag ng pagpupulong si Lacuna para sa implementasyon ng Oplan kung saan dumalo din sina Dennis Viaje at Wilson Chan, chief at deputy chief for operations ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), department of public services adviser Kenneth Amurao at si mayor’s chief of staff Joshue Santiago.

Kaugnay niyan ay sinabi ni Lacuna na naging mapayapa naman sa pangkalahatan ang strike na isinagawa sa lungsod, simula noong Lunes, Hunyo 10, na inaasahang magtatagal hanggang Miyerkules, Hunyo 12.

Sa ulat ni Angeles sa alkalde,sinabi nito na sa unang araw ng tigil-pasada ay nag-deploy ang pamahalaang-lokal ng mga sasakyan ngunit wala namang commuters na na-stranded.


Nitong Martes naman, sinimulan ang deployment ng Transporter 1 at Transporter 2 upang magbigay ng libreng sakay simula dakong alas-7:00 ng umaga kasabay ang deployment ng walong iba pang malalaking sasakyan ng Manila Police District sa ilalim ng direktiba ng hepe nitong si Gen. Arnold Thomas Ibay.

Hindi naman agad natukoy kung gaano karami ang napagkalooban ng libreng sakay sa ilalim ng ‘Oplan’ na nagpapatuloy pa habang isinusulat ang balitang ito.


Bumiyahe umano ang mga libreng sasakyan sa ruta ng Paco-Rotonda-Nagtahan at pabalik, na siyang tanging ruta na naapektuhan umano ng tigil-pasada sa Maynila.

Ayon kay Angeles, ang ‘Oplan Libreng Sakay’ ay patuloy na ipatutupad hanggang Miyerkules, mula alas- 7 ng umaga hanggang 8:30 p.m., alinsunod sa kautusan ni Lacuna.


Tags: Mayor Honey Lacuna, MDRRMO chief Arnel Angeles

You May Also Like

Most Read

Latest News