PERSONAL na ipinagkaloob ni Manila Mayor Honey Lacuna ang symbolic check na nagkakahalaga ng P500,000 bilang cash incentive kay Olympian pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena, isang taal na Manilenyo mula sa Tondo at estudyante ng University of Santo Tomas (UST) o ‘Thomasian,’ kagaya ng alkalde.
Alas-4:30 ng hapon nitong Miyerkules nang magtungo si Obiena sa Mayor’s Office sa Manila City Hall, kung saan iniabot ni Lacuna ang nasabing symbolic check.
Napag-alaman kay Lacuna na nauna nang ibinigay ang cash incentive ni Obiena dahil nakatakda itong tumulak muli patungong ibang bansa para sa isang competition na gaganapin sa Agosto 21.
Sa kanilang naging pag-uusap, binati at pinasalamatan ni Lacuna si Obiena dahil sa patuloy na paghahatid ng karangalan sa lungsod, gayundin sa buong bansa.
“We congratulate Ernest John Obiena on his best Olympics finish so far in his still young athletics career. The fourth place finish was his best effort at that high-pressure moment. Our Manileño pole vaulter from Tondo and fellow Thomasian is proudly and joyfully welcomed in the country’s capital now that he is back home with his family, friends, and neighbors,” anang alkalde.
“Isa kang Bayaning Manileño, EJ. Mahal ka namin dito sa Magnificent Manila,” dagdag pa ni Lacuna.
Matatandaang natapos ni Obiena ang men’s pole vault event sa 2024 Paris Olympics sa ikaapat na puwesto, matapos na ma-clear ang taas na 5.90 metro. Ito ay isang magandang improvement mula sa kanyang 11th-place finish sa Tokyo 2020 Olympics.
Ayon kay Lacuna, habambuhay nang nakaukit sa puso ng mga taga-Maynila ang karangalang dinala ni Obiena sa lungsod at sa buong bansa.
Pinapurihan din ng alkalde ang pagpapakita ni Obiena ng ‘sportsmanship’ nang palakpakan nito ang nakalaban ang ‘new world and Olympic records’ na nakuha ni Armand Duplantis ng Sweden sa parehong event.