Pinaaalalahanan ni Mayor Honey Lacuna ang mga residente ng Maynila na huwag mag-iwan ng bukas na kandila, kalan at tangke ng gas kung magbabakasyon at gamitin ang okasyon upang magbalik-loob sa Panginoon.

NAKASINDING KANDILA,BUKAS NA GAS TANKS AT KALAN, IWASAN KUNG MAGBABAKASYON, PANAWAGAN NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga residente ng Maynila na tiyaking kung aalis sila ng bahay para sa long weekend ay huwag mag-iwan ng nakasinding kandila at tiyaking sarado ang mga tangke ng gas at kalan upang makaiwas sa sunog.

Binigyang-diin ng alkalde na sa inaasahang tumitindi pang init ng panahon ay posibleng pagmulan ang mga nasabing pangyayari ng sunog, gaya na lamang nang naganap sa ilang residential areas sa lungsod nitong mga nakalipas na araw lamang.

Nanawagan din si Lacuna na gamitin ang panahon ng Semana Santa upang magnilay-nilay, magbalik-loob at patatagin ang pananampalataya sa Diyos.


“Gamitin po natin ang panahon na ito upang makapagnilay-nilay, magbalik-loob sa Panginoon, patatagin ang ating paniniwala sa Kanya at maipahinga ang ating katawan at isipan,” ani Lacuna.

Kaugnay nito ay nagpaalala rin ang alkalde sa mga magtutungo sa mga Simbahan na tiyaking sila ay umiinom ng sapat na tubig upang maging ‘hydrated’ at umiwas sa mga oras kung saan pinakamatindi ang init ng araw dahil may banta itong panganib sa kalusugan.


Inianunsiyo rin ni Lacuna na pansamantalang isasara ang dalawang city-run public cemeteries, ang Manila North Cemetery (MNC) at Manila South Cemetery (MSC), ngayong Huwebes Santo at Biyernes Santo.

Sinabi ni MNC Director Yayay Castaneda na magbabalik sa normal ang operasyon ng MNC sa Sabado de Gloria, Abril 19, 2025.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read