Bilang pagtatapos ng Buwan ng Turismo, pinangunahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang pagdiriwang ng ika-60 anibersaryo ng Manila City Band, o mas kilala bilang ‘Banda ng Maynila.’
Sa kanyang maikling mensahe, inianunsiyo ni Lacuna ang plano niyang i-upgrade ang mga musical instruments na ginagamit ng banda upang patuloy na makapaghatid ng magandang performance at makapagkaloob ng madamdaming mga musika sa mga aktibidad ng lungsod.
“Bilang pagsasara ng tabing sa pagdiriwang ng Buwan ng Turismo, binibigyan natin ng halaga ang 60 taong ambag ng ating Banda ng Maynila. Anim na dekada na silang nagbibigay serbisyo sa ating lungsod sa pamamagitan ng kanilang musika na kasama sa mga mahahalagang okasyon at palatuntunan ng pamahalaang lungsod,” ayon sa alkalde, sa anniversary celebration ng banda na idinaos sa Bonifacio Shrine.
Ang naturang aktibidad ay dinaluhan rin nina Department of Tourism, Culture and Sports of Manila (DTCAM) Director, Charlie Dungo, Vice Mayor Yul Servo, city officials, mga city councilors, at iba pa.
Sinabi ni Lacuna na ang bawat musical performance ng Banda ng Maynila, na pinangungunahan ni Maestro Daniel Quianzon, ay isang ekspresyon o pagpapahayag ng damdamin na hindi kayang ipakita ng mga salita lamang.
Dagdag pa ni Lacuna, “Ang musikang handog ng ating banda ay tila nagpapahayag ng damdaming di kayang bigkasin, ngunit ang hatid nilang tunog ay tila himig na dumadaloy sa kaibuturan ng ating puso at isip.”
Pahayag pa niya, ang banda ang siyang nagbibigay ng kulay at nagkakaloob ng kasiyahan sa bawat okasyon ng lungsod, kaya’t nararapat lamang na mabilihan sila ng mga bagong instrumento, bilang pagkilala sa kanilang malaking kontribusyon sa lungsod.
Pinasalamatan rin naman at pinuri ng alkalde ang DTCAM dahil sa paglalatag ng mga makabuluhang programa na naglalayong isulong ang turismo ng bansa at tiyaking makabilang ang lungsod sa mga lugar, na dapat na makita ng mga turista, lokal man o dayuhan ang mga ito.
Sa kanyang panig, ikinuwento naman ni Dungo na ang banda, na nagdiwang ng kanilang ika-60 anibersaryo, sa pamamagitan ng isang konsiyerto na may titulong ‘Sisentarenata’ ay itinatag noong 1963 sa panahon ng pamumuno ni dating Mayor Antonio Villegas.
Bukod sa pag-perform sa iba’t ibang okasyon ng lungsod, ang banda ay madalas din aniyang maimbitahang tumugtog sa iba pang events.
Ipinagmalaki pa ni Dungo na ang banda ay nagwagi ng unang puwesto sa isang kumpetisyon na idinaos sa Quezon City noong 1989, habang noong 1997 naman ay nanalo ito bilang Best in Interpretation ng ‘Veteranos Dela Revolucionario’ sa isang kumpetisyong idinaos naman sa Quirino Grandstand.
“The Banda ng Maynila serenades with music that enchants everyone not only with sounds but also with the vibrant energy that radiates through every instrument they are playing,” ani Dungo.














