MATIBAY ngayon ang paniniwala ng kampo ni Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno na ‘polluted’ o minamaniobra ang mga surveys kaugnay ng halalan sa Mayo 9.
Sa pulong-balitaan kahapon sa Makati City, napag-alaman na mayroon na silang ebidensya na namamaniobra ang mga survey na mula sa Pulse Asia at SWS na naiimpluwensyahan na ng mga ‘political oligarchs’.
“If we believe in surveys, sana wala kami dito ngayon. The fact na nandito kami, and we will prove it to you later, subject to verification, that we could prove to you na polluted ‘yung surveys. We have evidence, we are just verifying na ‘yung mga enumerators ay napasok na ng mga malalaking or what you call political oligarchs,” saad ni Moreno.
Maaaring hindi umano alam ito ng pamunuan ng Pulse Asia at SWS na pinayuhan nila na dapat sinusuri rin ang mga ‘raw data’ na ipinapasa sa kanila.
“Pulse Asia and SWS may not know it because they are the ones doing the analysis, but the raw data that they are getting maybe subject to further study kasi hawak-hawak namin ngayon na nahuli na namin ‘yung gumagawa ng survey sa kalsada,” dagdag pa ng alkalde.
Kung naniniwala umano sila sa mga numero tulad ng mga lumalabas sa surveys ay hindi na sila magpapakita pa sa publiko.
Umaasa pa rin umano siya na pagdating ng takdang panahon ay malilinawan na ang botanteng Pilipino at makikita na ang kinabukasan ng bansa ay hindi lang nakasalalay sa dalawang pamilya o kulay na matagal nang nagbabangayan. (TSJ)