Sina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at Congressman Irwin Tieng (nakaupo, ikalawa, ikaapat at ikatlo mula kanan) kasama ang barangay officials sa pagbubukas ng modernong community center sa Plaza dela Virgen sa Pandacan. Kasama din sina (nakaupo, mula kaliwa) Barangay chair Nell Dan Blas, Councilor Charry Ortega at (mula kanan) Councilors Boy at Bel Isip. (JERRY S. TAN)

MODERNONG COMMUNITY CENTER, BINUKSAN NINA MAYOR HONEY, VM YUL AT CONG. TIENG SA PANDACAN

By: Jerry S. Tan

SA paglalahad ng kapakinabangan bilang resulta ng partnerships sa pagitan ng local government at ng national, ay binigyang papuri ni Manila Mayor Honey Lacuna ang tulong sa kabisera ng bansa na ibinibigay sa kanyang administrasyon ng limang Congressmen upang maisakatuparan ang mahahalagang proyekto na hindi makakayanan ng kanyang administrasyon dahil sa pagkakabaon sa utang na mahigit P17 billion na iniwan ng nakaraang administrasyon.

PINANGUNAHAN nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at District 5 Congressman Irwin Tieng ang pagbubukas ng isang modernong community center sa Plaza Dela Virgen sa Pandacan nitong Martes (November 19, 2024) para sa kapakinabangan ng mga residente doon.


Ang nasabing okasyon ay dinaluhan din nina Councilors Charry Ortega at Boy Isip at Bel Isip, barangay chairman Jaime Adriano at Barangay at Sangguniang Kabataan councils ng mga karatig na lugar sa pangunguna ni Barangay 826 Zone 89 Chairman Nell Dan Blas, na ang mga nasasakupang residente ay siyang inaasahang direktang makikinabang sa nasabing community center.

Sa kanyang maikling mensahe ay sinabi ni Lacuna na napaka-palad ng District 5 sa pagkakaroon ng masipag na Congressman sa katauhan ni Rep. Irwin Tieng, na ayon sa kanya ay regular na nakikipag-usap sa kanya tungkol sa kanyang mga plano para sa kanyang mga nasasakupan.

“Lagi nyang iniisip ang pagbibigay ng magandang pustura sa mga barangayan kaya naman hindi ako nagdadalawang-isip basta ikagaganda ng lungsod,” ani Lacuna.


Sinabi ng lady mayor na ang ginagawa ng limang Congressmen ng Maynila, kabilang na si Tieng, ay isang malinaw na pruweba na walang imposible at kayang gawin lahat ng bagay sa kabila ng kakulangan sa pondo, basta’t nagtatrabaho nang sama-sama ang mga opisyal ng lungsod para sa kapakinabangan ng mga Manilenyo.

“Ang hindi kaya ng lokal na pamahalaan sila (Congressmen) na po ang nagpapagawa kaya mahal na mahal ko ang ating mga Congressman. Ang hiling ko lang po ay ating pangalagaan ang community center na ito dahiil ito ay para din sa inyo,” pahayag ni Lacuna.


Ayon kay Tieng, ang nasabing bagong community center ay kauna-unahan sa distrito na mayroon pang service elevator at maluwag na espasyo para sa mga community activities.

Pinasalamatan ni Tieng ang walang sawang suporta nina Lacuna at Servo na agad na nag-apruba at nagtrabaho para sa pag-proseso ng mga kinakailangan para sa nasabing proyekto.


Ayon kay Tieng, agad na inaprubahan ni Lacuna ang kanyang kahilingan na gamitin ang lupa para sa kanyang proyekto para sa kapakinabangan ng mga Manileño.

Mabilis din umanong nagpapasa ng Council Resolution si Servo na nagbibigay karapatan sa alkalde na mag-execute ng Deed of Usufruct sa Barangay 826 Zone 89, kung saan pinapayagan ang paggamit ng 243.72 metro kwadradong lupa para sa pagtatayo ng multi-purpose building.

“The Plaza Dela Virgen Community Center is a landmark building in the 5th District of Manila, being the first of its kind in the district. This center features essential amenities such as an elevator, barangay office, day care center, and a hardwood covered court,” ani Tieng, kasabay ng pagtitiyak na magtatayo ng katulad ding centers sa ibang barangay sa lungsod.



Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like