Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo, kasama sina (mula kaliwa) Dr. Malou Pineda-Santos at MHD chief Dr. Arnold Pangan sa pagbubukas ng marker sa ginanap na pagpapasinaya ng modernong public health laboratory sa Sta. Cruz, Maynila. (JERRY S. TAN)

MODERNO AT BAGONG PUBLIC HEALTH LAB, BINUKSAN SA QUIRICADA NI MAYOR HONEY, VM YUL

By: Jerry S. Tan

PINASINAYAAN nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang isang bago at modernong Public Health Laboratory sa Sta. Cruz, Maynila, bilang solidong patunay ng Lacuna administration na inuuna nito ang kalusugan ng mga residente ng Maynila sa lahat ng oras.

Sa kanyang mensahe, pinasalamatan ni Lacuna ang Department of Health dahil sa mabilis nitong pagbibigay ng License to Operate sa nasabing public health laboratory.

“Tapat at totoo nating masasabi na hindi tayo gumastos lang para may maipagmalaki, ito po ay magagamit natin bilang isang tertiary clinical laboratory, mayroon ring drug testing laboratory at isang laboratory for drinking water bacteriological analysis at marami pang iba,” ani Lacuna.


“Ang lahat po nito ay bahagi ng ating patuloy na pagsisinop, pagpupursige at pagbibigay ng dekalidad na serbisyo diretso sa tao,” dagdag pa niya.

Ayon kay Lacuna, ang nasabing public health laboratory ay bahagi ng makulay na kasaysayan ng Maynila dahil ito ang kauna-unahan sa buong bansa. Ito ay unang itinayo sa parehong lugar sa Quiricada, at ibinigay ng mga Amerikano noong 1945 bago muling itinayo noong Octobet 29, 1949 sa panahon ni Mayor Arsenio Lacson.

Ani Lacuna, ang bagong- bukas na laboratory ay pamamahalaan ng Manila Health Department sa ilalim ng hepe nitong si Dr. Arnold Pangan at Dr. Malou Pineda-Santos, sa layong itaguyod ang kalusugan ng mga Manilenyo at magsisilbing instrumento upang matukoy ang dahilan ng ilang mga sakit na nakakaapekto sa mga residente ng lungsod.

Napag-alaman na mayroon ding drive-thru services ang naturang laboratory at inilalaan din ito para sa pag-aaral ng ilang uri ng sakit at maging training center ng mga health workers. Mayroon din itong drug testing at iba pang mga uri ng tests na isasagawa upang maibigay ang tamang uri ng gamot at paraan ng paggamot sa mga sakit ng residente, depende sa resulta ng lab tests at kung paano ito ginawa.


Sinabi ng alkalde na ang planong pagtatayo ng modernong public health laboratory ay naantala lamang nang dahil na rin sa nakaraang pandemya.

Labi na nagpasalamat si Lacuna sa DOH sa suporta nito. Aniya, ang bagong pasilidad ay may license to operate na bilang tertiary clinical lab, drug testing lab at lab for drinking water analysis, maliban pa sa pagkakaroon ng x-ray

Tiniyaj niya na sa mga darating na araw, ang nasabing facility ay magkakaroon ng specialized lab tests bilang suporta sa implementasyon ng universal health care agenda.

“Umasa po kayo na ang pamahalaang-lungsod ay hindi titigil para mas pagandahin at padamihin ang health services na dapat lamang para sa bawat isang Manilenyo,” ani Lacuna.


Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read