NAGPAHAYAG ng pagmamalaki si Mayor Honey Lacuna at pagbati ng ‘best of luck’ sa lahat ng kinatawan ng Miss Manila na sumali at nakatakdang sumali sa iba’t-ibang kompetisyon dito sa Pilipinas at sa ibang bansa.
Ang mga kinatawan ng Miss Manila ay prinisinta ni Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa flagraising ceremony nitong Lunes sa Manila City Hall.
Sinabi ni Lacuna na si Miss Manila Charity Xena Ramos ay konoronahan bilang Mutya ng Pilipinas – Charity 2024 habang nagwagi naman bilang Miss Friendship International Philippines 2024 si Manila finalist Imee Soyangco na kakatawan sa Maynilla at sa bansa sa darating na competition sa China.
Samantala, ang Miss Manila 2024 1st Runner-up na si Dra. Jubilee Therese Acosta ay lalahok din sa Miss Grand International at kakatwan sa Maynila.
Ang Miss Manila finalist naman na si Jasmine Paguio ay lalahok naman sa Hiyas ng Pilipinas.
Binati ni Lacuna ang lahat ng magagandang dilag na nagmula sa Manila at sinabing dahil dito ay proud ang lahat ng Manileño.
Lahat sila ay nanalo ng iba’t-ibang titulo sa katatapos na Miss Manila beauty pageant na isa sa tampok sa ‘Araw ng Maynila’ celebration kaugnay ng ika-453 taong pagkakatatag ng Maynila nitong nakaraang Hunyo.
“Ako naman po si Miss Ina ng Maynila hanggang lumagpas ang 2025,” sabi ni Lacuna sa pagtatapos ng kanyang talumpati, na sinalubong naman ng masigabong palakpakan mula sa mga opisyal at kawani ng lungsod na nasa flagraising ceremony.














