Latest News

Si Mayor Honey Lacuna habang mino-monitor ang sitwasyon ng 'Traslacion.' Nasa kaliwa sina Barangay Chair Evelyn de Guzman at MDRRMO head Arnel Angeles. (JERRY S. TAN)

MGA TUMULONG SA MAAYOS NA ‘TRASLACION 2025,’ PINASALAMATAN AT PINURI NI MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

PINURI at pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng national at local government units na tumulong sa pagdaraos ng mapayapa at maayos na ‘Traslacion’ nitong Huwebes, gayundin ang pinagsanib na tauhan ng department of public services ng Manila City Hall at Metro Manila Development Authority na walang kapagurang naglinis ng Burnham Green, Quirino Grandstand area at ruta ng prusisyon.

Kasabay nito ay nagpahayag ng kalungkutan si Lacuna sa mga hiwalay na insidente ng kaguluhan gaya ng pagsasagupaan ng mga deboto at mga pulis sa ibabaw ng Ayala Bridge, at umaasa umano siya na hindi na ito mauulit sa mga susunod pang Traslacion.

Partikular ding pinuri ni Lacuna ang mga miyembro ng Manila Police District (MPD) sa ilalim ng pamumuno ni PGen. Arnold Thomas Ibay, na aniya ay nanindigan sa pagpapanatili ng kaayusan sa kabila ng panganib na kinaharap nila.


“Alam n’yo po, walang masamang intensiyon ang ating mga kapulisan. Nais lamang po nilang maiwasan ang kaguluhan na nangyari na nga at sumusunod lamang po sila sa napag-usapang plano ng lahat ng sangkot na government agencies at maging ng Simbahan, para sa maayos na daloy ng ating Traslacion. Nakakalungkot na may mga nasaktan sa pangyayari na hindi naman sana dapat naganap kung pinakinggan lamang po natin at sinunod ang ating mga itinalagang awtoridad,” paliwanag ni Lacuna.

Nabatid sa alkalde na may isang pulis na nasaktan nang magawang mapasok ng grupo ng mga deboto ang police ranks, na ‘di alintana ang pakiusap ng mga awtoridad na wag tumawid sa nasabing tulay. Gusto ng mga deboto na salubungin ang prusisyon sa gitna upang mas malapit sa imahe ng Itim na Nazareno.

Samantala, pinarangalan ni Lacuna ang mga ‘sweepers ‘na agad na naglinis ng mga basura na iniwan ng mga deboto sa kalye. Sila ay sinamahan din ng team na ipinadala ni City Engineer Moises Alcantara.

Pinuri ni Lacuna ang mga nasabing tauhan na agad naglinis sa Burnham Green sa harapan ng Quirino Grandstand at ng buong lugar kung saan daan libong mga deboto ang nag-vigil sa bisperas ng Pista ng Itim na Nazareno at nag-iwan ng maraming basura.


Ani Lacuna, naging pangkalahatang maayos at tahimik ang Traslacion sa kabila ng umabot sa halos 8-milyong katao ang dumalo rito at wala aniyang naitalang nasawi o seryosong nasaktan o mabigat na insidente.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read