NANAWAGAN si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga natitirang senior citizens na di pa nakakakuha ng kanilang monthly monetary allowance mula sa isinagawang pamamahagi ng mga barangay na magtungo sa City Hall upang doon ay makuha na ang kanilang nasabing benepisyo.
Batay umano sa ulat ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), may maliit na porsyento pa ng mga senior citizens sa Maynila ang ‘di pa nakakakuha ng kanilang allowances mula sa pamahalaang-lungsod.
Nitong May 26, 2023, sinabi ni Lacuna na 95 percent ng senior citizens mula District 1 ay nakakuha na ng kanilang allowances; District 2, 96 percent; District 3, 93 percent; District 4, 95 percent; District 5, 96 percent at District 6, 93 percent. Sakop nito ang buwan ng Enero hanggang Abril 2023 para sa kabuuang P2,000 bawat isa o P500 kada buwan.
Kaugnay niyan ay pinasalamatan ni Lacuna ang mga opisyal at kawani ng OSCA, public employment service office (PESO), Manila City Library at Manila Barangay Bureau pati na barangay officials, sa pagtulong para sa mabilis at maayos na pamamahagi ng nasabing allowances ng senior citizens.
Ayon sa alkalde, tuwing mayroong regular na ‘Kalinga sa Maynila,’ isang forum na nagdadala ng mga pangunahing serbisyo ng pamahalaang lungsod ng direkta sa mga barangay, ang allowances ng mga senior citizens’ ay kadalasang napag-uusapan.
“Lahat sila (senior citizens) ngayon, nakangiti…masaya po ang ating mga senior citizens, masaya din po kami para sa inyo. Sana ay magamit ninyo ang allowance pambili ng mga pangangailangn ninyo gaya ng maintenance medicines,” saad ni Lacuna.
Sa kasalukuyan, may 180,000 senior citizens sa Maynila ang nakatanggap na ng kanilang monthly allowance bilang bahagi ng social amelioration program ng pamahalaang-lungsod na binuo Manila City Council noong pandemya.
Pinangunahan ni Lacuna ang City Council noong mga panahong iyon, sa kanyang kapasidad bilang council Presiding Officer na bahagi ng kanyang pagiging Vice Mayor ng Maynila.














