NAGPAHAYAG ng utang na loob at pasasalamat si Mayor Honey Lacuna sa lahat ng residente ng lungsod na nagbigay-daan para sa simula ng kanyang matagumpay na karera sa pulitika hanggang maging kauna-unahang babaeng alkalde ng kabisera ng bansa sa buong kasaysayan ng Maynila.
Bilang bahagi ng kanyang advance birthday celebration, namahagi ang alkalde ng bigas at ‘roast chicken’ sa mga residente ng Barangay 525 at Barangay 616 kung saan siya rehistrado at kung saan siya lumaki, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Buong pagmamalaki namang tinanggap ng mga barangay officials at residente sa nasabing lugar ang alkalde, na ayon sa kanila ay itinuturing nilang bayani dahil sa kanilang lugar ito nagsimula ng kanyang political career, una ay bilang Manila Councilor, sumunod ay bilang department head, Vice Mayor at ngayon nga ay bilang Mayor na.
Sa kanyang maiksing mensahe, pinasalamatan ni Lacuna ang mga barangay officials at residente sa pagpapaunlak ng oras sa kanya at sa patuloy na suporta ng mga ito.
Habang ikinukunsidera niya na siya ay mapalad sa pagiging alkalde ng Maynila, sinabi niya na “mas swerte po ako sa inyo dahil kayo po ang unang nagtiwala sa akin mula nung ako ay maging konsehal, vice mayor hangggang ngayon bilang mayor.”
“Ni minsan ay di ny’o po ko pinabayaan kaya naman marapat lang na ibalik ko lahat ng mga biyaya na natatanggap ko at gusto ko po itong i-share unang-una sa inyo. Gusto ko poong magpasalamat sa lahat, lahat, lahat kaya maraming salamat at sana ay pagdamutan ninyo ang aking nakayanan,” dagdag pa ni Lacuna.
“‘Wag kayong mag-alala dahil hindi ko po kayo ipapahiya. Ang buong pamilya Lacuna, mula sa aking tatay (former Vice Mayor Danny Lacuna) at mga kaanak ay walang sawang magpapasalamat sa inyo,” dagdag pa nito.
Tiniyak naman ni Lacuna sa kanyang mga ka-barangay na ibibigay nya ang lahat ng kanyang makakayanan upang siya ay maipagmalaki nila at hindi niya umano sila bibiguin.
Sa araw mismo ng kanyang kaarawan noong Sabado, Mayo 6, ay nagsagawa rin ng gift-giving activity ang alkalde kung saan kasama niyang nag-birthday party ang mga senior citizens at kabataan na kapareho niya ng araw ng kapanganakan o nagdiriwang ng kaarawan sa buwan ng Mayo kagaya niya.














