Hinihiling ni Mayor Honey Lacuna sa mga barangay leaders sa Maynila na turuan ang kanilang mga nasasakupan ukol sa sunog at huwag i-harass ang mga bumbero. (JERRY S. TAN)

MGA PUNONG BARANGAY, HINIMOK NI MAYOR HONEY NA TURUAN ANG MGA RESIDENTE UKOL SA SUNOG

By: Jerry S. Tan

HINILING ni Mayor Honey Lacuna sa mga punong barangay ng lungsod na tiyaking may sapat na kaalaman ang kanilang mga nasasakupang residente ukol sa sunog, sa gitna ng tumitinding init ng panahon at tatlong naganap na sunog sa Maynila nitong mga nakalipas na araw.

Kasabay niyan ay binigyang-diin din ng alkalde ang kahalagahan ng pagiging organisado at disiplinado, gayundin ng sistema kung saan dapat na hinahayaan ng mga residente ang mga bumbero na gawin ang kanilang trabaho kapag may sunog imbes na sila ay i-harass.

Habang inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng magkakahiwalay na insidente ng sunog, nanawagan si Lacuna sa 896 na barangay chairman sa lungsod na ipaalam sa mga residente ang mga bagay na karaniwang nagiging mitsa ng sunog at dapat umano ay alam ito ng lahat ng kasamahan sa bahay.


Kaugnay niyan ay hiningi din ni Lacuna ang tulong ni Liga ng mga Barangay president at Councilor, Dr. Leilani Lacuna para sa agarang pagkilos ng mga punong barangay at opisyal para sa nasabing pagbibigay impormasyon sa mga taga-lungsod ukol sa sunog.

Samantala, ikinalungkot ni Lacuna na may mga pangyayari kung saan ang mga bumbero, lalo na ang ang mga fire volunteers, ay naha-harass ng mga residente kung saan ang mga hose ay inaagaw sa mga ito para itutok sa kani-kanlang mga bahay.

Ipinanawagan ng alkalde sa mga barangay authorities na dapat ay itanim nila isipan ng mga residente na ang mga bumbero at fire volunteers ay tumutulong sa pag-apula ng apoy nang walang bayad kaya’t di sila dapat na gipitin o saktan.

Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna matapos ang ang tatlong insidente ng sunog sa Maynila kung saan di bababa sa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan.


Samantala, ang mga biktima ng sunog ay binigyan ng pansamantalang matutuluyan sa covered courts ng lungsod bukod pa sa makakain, sa tulong ng ng Manila department of social welfare sa ilalim ni Re Fugoso at ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office sa pamumuno ni Arnel Angeles.

Kaugnay pa rin nito ay hiniling ni Lacuna ang buong kooperasyon at tulong ng mga barangay authorities upang tiyakin na ang kanilang nasasakupan ay may sapat na kaalaman sa mga dapat at di dapat na gawin upang maiwasan ang sunog.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read