PINAPURIHAN ni Mayor Honey Lacuna ang mga opisyal at kawani ng Maynila na nagsama-sama sa pagdiriwang ng International Women’s Day at National Women’s Month sa pamamagitan ng pagpapakita ng malasakit sa kapaligiran.
Inihayag ni Lacuna na nitong nakalipas na weekend ay daan-daang city government officials at mga empleyado ang nagsagawa ng sabayang cleanup drive at tree planting sa iba’t-ibang bahagi ng Maynila, kung saan maraming volunteer organizations ang sumama rin.

Kasama sa mga piling lokasyon ay ang Arroceros Forest Park, Rajah Sulayman Park at Manila Science High School.
Pinangunahan ng mayor’s office, office of Vice Mayor Yul Servo, Manila Department of Social Welfare sa pamumuno ni Re Fugoso at ng Parks Development Office sa ilalim ni Giovanni Evangelista ang maghapong aktibidad na nilahukan ng mga department heads, city government employees at maging volunteers mula sa iba’t-ibang colleges at organizations sa lungsod ng Maynila.
Ayon kay Fugoso, may kabuuang 44 na puno ng lipote at bignay ang naitanim sa Arroceros Forest Park sa nasabing aktibidad.
Muli namang inimbitahan ni Lacuna ang publiko na bisitahin ang Arroceros Forest Park, na kilala din bilang ‘last lung’ ng lungsod ng Maynila.
Ayon sa alkalde, matatagpuan sa nasabing parke, na ‘leading nature park’ ng lungsod, ang mga ‘centuries-old trees’ at ito umano ay nagsisilbing proteksyon ng lungsod kontra air pollution at bilang source ng sariwang hangin.
Kasabay niyan ay hinimok nya rin ang mga taga-Maynila na gawing bahagi na ng kanilang araw-araw na buhay ang cleanup activities.
“Laging tatandaan na ang ating kapaligiran ay nagpapakita rin ng kalagayan ng ating mga sarili, kung kaya’t lagi natin itong pahahalagahan,” aniya.














