Hinikayat ni Mayor Honey Lacuna ang mga opisyal at empleyado ng Manila City Hall na huwag tingnan ang kanilang tungkulin bilang trabaho at sa halip ay i-enjoy lamang ito, upang mas marami silang matapos at ma-accomplish
Ginawa ni Lacuna ang panawagan sa kanyang mensahe sa regular na flagraising ceremony na idinaos sa lungsod nitong Lunes, kung saan si City Engineer Moises Alcantara ang siyang nagsilbing host.
“Gawin natin ang tungkulin nang di natin sila tinitingnan bilang trabaho. Mas magaan ang trabaho kung ine-enjoy natin,” ayon kay Lacuna.
Inihayag pa ni Lacuna na dapat na ikonsidera ng mga taong gobyerno na mapalad sila dahil hindi lahat ng tao ay nabibigyan ng pagkakataon na makapagbigay ng serbisyo at makatulong sa kanilang kapwa.
Pinuri rin naman ng alkalde ang City Engineer’s Office, na pinamumunuan ni Alcantara dahil sa tuloy-tuloy na dami ng ulat sa kanya ng mga accomplishments na naisasagawa ng kanilang tanggapan.
“Isa ito (city engineer’s office) sa pinakamalalaking departamento ng lungsod… dahil sa dami ng kanilang tungkulin at ginagawa, sa araw-araw na ginawa ng Diyos, siya ang pinakamaraming report sa akin na pinadadalang ginagawa sa araw-araw. Ganun ang kanilang dedikasyon sa trabaho, kaya maraming-maraming salamat,” ani Lacuna.
Samantala, dahil sa nalalapit na ang Valentine’s Day ay binigyan ni Alcantara ang lady mayor ng isang bouquet ng mga bulaklak, habang ang mga babae namang dumalo sa flagraising ceremony ay nabigyan ng mga rosas.
Sa pagtatapos naman ng kanyang mensahe, pinasaya ni Lacuna ang mga dumalo nang pabiro itong nag-deliver ng ‘hugot line’ na kanyang ginagawa taon-taon tuwing darating ang Valentine’s Day.
Aniya: “Sa mga malulungkot, wala ka mang ka-date sa Valentine’s Day, ang mahalaga, sanay ka na.”














