“DITO sa Maynila, walang iniiwan. Lahat kasama, lahat mahalaga.”
Ito ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang prinsipyong gumagabay at patuloy na gagabay sa kanyang administrasyon, kung saan binigyang- diin niya na ang lakas at adhikain ng kanyang tanggapan ay nakasalalay sa mamamayan ng Maynila.
Sa kanyang kauna-unahang state of the city address (SOCA) na ginanap sa session hall, inisa-isa ni Lacuna ang kanyang mga napagtagumpayan sa kanyang unang taon ng pamumuno sa lungsod at pinasalamatan nya rin ang mga tumulong sa kanya upang makamit ang tagumpay kabilang na ang kanyang mga kapwa manggagawa sa local government unit sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo, ang mga miyembro ng Manila City Council, ang anim na Manila Congressmen sa pangunguna ni third district Rep. Joel Chua na kanyaang pinuri at pinasalamatan sa paglulunsad ng mga proyektong para sa kapakinabangan ng mga taga-third district ng Maynila na nangangailangan ng tulong, at ang mga residente mismo ng Maynila na ayon sa alkalde ay pawang walang sawang tumutulong, sumusuporta at nakikiisa sa pamahalaang-lungsod.
Ilang sa mga ipinagmalaki ng kaunahang lady mayor ng Maynila ay ang mga pagkilala at karangalang natamo ng lungsod kung saan nagpamalas ito ng kahusayan sa aspeto ng turismo, edukasyon, kalusugan, environment, finance at business.
Inulat din ng alkalde na ang kanyang administrasyon ay nakapagbahagi sa mga senior citizens na may 180,000 ang kabuuang bilang ang kanilang updated monthly allowances, birthday cakes, senior food supplies, weekly free entrance sa Manila Zoo at monthly allocation ng mga gamot mula sa 44 health centers ng Maynila.
May 20,000 mag-aaral naman sa city-run Universidad de Manila at Pamantasan ng Lungsod ng Maynila ang nabigyan ng kanilang monthly allowance na P1,000 bawat isa, habang may mahigit na 4,000 mag-aaral naman mula sa elementary at high school ang nabigyan ng financial aid sa pamamagitan ng city’s educational assistance program, kabilang din dito ang may mahigit 6,000 estudyante sa senior high mula sa public schools, ito ay bukod pa sa probisyong uniporme, bags at school supplies para sa elementary at high school students.
Nakapagbigay din ang lungsod ng milyung-milyong halaga ng allowance para sa may 14,735 solo parents at P200 million allowance naman para sa 35,000 na persons with disability.
Nakapagbigay din ng trabaho sa mga senior citizens at PWDs ang lungsod, gayundin sa may 3,000 walang trabahong Manileño at ito ay mula sa monthly job fairs na ginagawa ng lungsod, kabilang na ang mga ginagawa sa “Kalinga sa Maynila”, Trabado, Tupad, GIP at SPES programs. Nakapagbigay din ang pamahalaang lungsod ng mahigit na P3 million capital assistance sa libu-libong Manileño.
Ayon kay Lacuna, kinukunsidera niya bilang katuparan ng kanyang layunin na tiyakin na ang lahat ng Manileñyo ay napaglilingkuran at may paraaan na makakuha ng mga pangunahing serbisyo. Ang paglulunsad ng kanyang “Kalinga sa Maynila (Pulong-Pulong sa Pagtulong)” kung saan ang nasabing serbisyo ay direkta dinadala sa mga komunidad sa pamamagitan ng kanilang lingguhang o dalawang beses sa isang linggong fora.
“Sa pakikipag-usap sa ating kababayan, layon ang direktang pagdulog ng tao sa pamahalaan. Nagsisilbi itong daan upang maiparating nila ang kanilang mga obserbasyon, suhestiyon, hinaing at reklamo kung meron man,” sabi ng alkalde sa kanyang ‘Kalinga’ program, dagdag pa rito ang bawat each forum ay may mga help desks na kumakatawan sa iba’t-ibang tanggapan sa City Hall upang tumulong sa mga residente.
“Ito ang nagbibigay pagkakataon na lahat ay mapaglingkuran ng iba’t-ibang tanggapan ng pamahalaang-lokal… isang mahusay na paraan upang agad-agad ay matugunan at maibigay ang mga pangangailangan ng mga tao doon mismo sa kanilang pamayanan.. upang ipadama ang katuparan ng pangako na ihatid ang serbisyo diretso sa tao,” sabi pa ni Lacuna.
Ipinahayag ng alkalde ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya na maisakatuparan ang kanyang Kalinga program at sa mga residente na patuloy na sumusuporta at naniniwala sa kanya, kasabay ng kanyang pangako na mas marami pang programa ang ilulunsad samga darating na taon upang higit na mapakinabangan ng mas mga nangangailangang sektor ng lungsod.














